TESDA: 'Job mismatch,' sanhi ng mataas na bilang ng walang trabaho sa bansa
"Job mismatch" ang isa sa mga nakikitang dahilan ni Technical Education and Skills Development Authority Dir. Gen. Joel Villanueva kung bakit patuloy ang paglobo ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.
Ayon sa ulat ni Benjie Liwanag ng dzBB, sinabi umano ni Villanueva na ito ang magyayari kapag hindi tugma sa pinag-aralan ang mga trabaho na nakalatag at yung mga pangangailangan ng mga negosyo dito sa ating bansa.
Kasunod na rin ito ng inilabas na ulat ng National Economic and Development Authority o NEDA na mahigit sa pitong porsyento ang unemployment rate ngayong taon.
Bukod pa umano sa job mismatch, ayon kay Villanueva, masyadong rin umanong mapili ang ating mga kababayan sa paghanap ng trabaho.
Hindi rin umano sinasamantala ng mga Pinoy ang mga nagbubukas na oportunidad sa bansa.
Iginiit pa ni Villanueva na mahalaga ang kooperasyon at partnership ng mga industriya para malaman kung anong ‘human resource’ ang kailangang i-produce ng pamahalaan upang makapasok sa trabaho.
Isinasaayos na umano ng ilang ahensya ng gobyerno ang kurikulum ng lahat ng lebel mula sa Department of Education, Commission on Higher Education at pati na rin ng TESDA sa mga kursong dapat nilang ilatag para maiwasan ang job mismatch.
Sinabi rin ni Villanueva na napakalaki pa rin ng pangangailangan ng sektor business process outsourcing (BPO) na umaabot na sa mahigit 150,000 trabaho ang kinakailangan. — RC /LBG, GMA News