Annabelle Rama, naglabas ng sama ng loob sa mga kapartido sa Cebu
Masama ang loob ng talent manager na si Annabelle Rama sa kanyang mga kapartido nitong nakaraang eleksyon at nais daw nitong bawiin ang kanyang donasyon sa partido na aabot sa P3 milyon. Ayon sa ulat ng Balitanghali nitong Huwebes, sinabi ng talent manager na ang P3 milyon na iniambag niya sa Team Rama ay para umano sa mga poll watcher na magbabantay sana sa kaniyang mga boto. Ngunit reklamo ni Annabelle, tila hindi raw nabantayan ang kanyang mg boto, at tanging pinsan nitong si re-elected Mayor Michael Rama at ang iba pang mga kaalyado ang nagkaroon ng poll watcher. Natalo si Annabelle na tumakbong kongresista sa Cebu nitong katatapos na halalan. Gayunman,sinabi sa ulat na hindi naman daw nagulat ang kaalyado ni Annabelle na si Vice Mayor Edgardo Labella sa mga binitawang paratang ng talent manager. Hindi raw kasi batid ni Annabelle ang usapin ng campaign funds. Ayon naman kay Atty. Dominic Ian Maregomen, election officer ng North district Cebu City, posibleng paimbestigahan nila ang isiniwalat na halaga ng donasyon ni Annabelle. Sinabi nito na nasa P500,000 lamang ang idineklara ni Annabelle sa kanyang statement of election contribution and expenditures. Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Mayor Rama tungkol sa naturang usapin. Wala pang reaksiyon si Annabelle kaugnay sa naging pahayag ng election officer. - MMacapendeg/FRJ, GMA News