'Sapi' sa 8 high school students sa Pangasinan, iimbestigahan
Magsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Education at Simbahang Katoliko tungkol sa umano'y pagsanib ng espiritu sa walong mag-aaral ng Mabilao High School sa San Fabian, Pangasinan. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing kinansela ang klase sa nabanggit na paaralan nitong Miyerkules matapos magkagulo at matakot ang mga estudyante sa naganap na umano'y pagsapi ng espiritu sa walong mag-aaral. Ayon sa isang estudyante, nakita niya ang biglang panginginig at pagtirik ng mata ng mga sinapiang mag-aaral. Kwento naman ng 14-anyos na mag-aaral na kabilang sa mga sinapian, may naramdaman siya at naririnig na nagsasalita nang sapian hanggang sa mawalan ng malay. Bagaman tumangging magbigay ng pahayag ang pamunuan ng eskwelahan, sinabi ng Division Office ng DepEd na magsasagawa sila ng imbestigasyon upang malaman ang tunay na nangyari sa mga estudyante. Mag-iimbestiga rin umano ang Simbahan tungkol sa nangyaring insidente upang malaman kung totoong nagkaroon ng pagsanib ng mga mag-aaral. Pero para sa isang psychologist, mass hysteria lamang ang posibleng nangyari sa mga mag-aaral dulot ng pagod o stress. - FRJ, GMA News