ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Angelo dela Cruz, magkokonsehal sa Mexico, Pampanga


Mahigit dalawang taon matapos siyang ma-hostage ng mga rebeldeng Iraqi, tatakbo sa pagka-konsehal ng kanyang bayan sa Mexico, Pampanga ang dating truck driver sa Iraq na si Angelo dela Cruz. Sa ulat ng dzBB, tatakbo si Dela Cruz sa ilalim ng Lakas-CMD, kaalyadong partido ng administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Dumalo si Dela Cruz sa isinagawang proclamation rally ng Team Unity sa Pampanga Convention Center sa San Fernando Martes ng hapon. Batay sa ulat ng dzBB, sinabi ng dating truck driver na hinimok siya ng mayor ng Mexico na kumandidato. Residente si Dela Cruz ng Buenavista, isa sa mga barangay na sakop ng munisipalidad ng Mexico. Pagtatrabaho sa bukid ang pinagkakaabalahan umano ngayon ni Dela Cruz, 48, may walong anak. Dinukot ng mga rebeldeng Iraqi si Dela Cruz noong 2004 sa kainitan ng pakikipag-alyansa ng Pilipinas sa Amerika na nagsusulong sa pakikipaglaban sa Iraq. Umabot sa tatlong linggo bago napakawalan si Dela Cruz. Napilitan si Arroyo na pabalikin sa bansa ang mga sundalong Filipino na ipinadala sa Iraq, batay na rin sa kahilingan ng mga nandukot kay Dela Cruz kapalit ng paglaya nito. Ikinasama ng loob ng pamahalaan ng Amerika ang desisyon ng Pilipinas. Mula noon ay ipinagbawal na ng gobyerno ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga manggagawa sa Iraq. - Amita Legaspi, GMANews.TV