ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tesda rerepasuhin ang singil sa domestic helper


Nangako ang Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) na rerepasuhin nito ang bagong reguslasyon sa singil sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa bilang domestic helper. Sa isinagawang pagdinig ng House committee on overseas Filipino workers affairs, na pinamunuan ni Rep. Edcel Lagman, sinabi ni Milgaros Hernandez, deputy director general ng Tesda, na ipararating niya ang mga mungkahi na ibababa ang singil sa mga household service workers, lalong kilala bilang domestic helpers, na sumasailalim sa pagsasanay bago makalabas ng bansa. Napaglamang na umaabot sa P1,100 ang singil sa bawat aplikante upang makakuha ng sertipikasyon na dumaan ito sa pagsasanay ng Tesda. Sa nasabing halaga, P100 ang napupunta sa Tesda para sa iisyung sertipikasyon at P100 pa sa inilalabas na form ; P250 sa assessor, at P650 sa training center. Bukod pa rito, ang mga first time na DH na lalabas ng bansa ay kailangan din dumaan sa training program na nagkakahalaga ng P5,000 sa loob ng mahigit isang buwan. Iminungkahi ni Lagman na pag-aralan ng Tesda na pasanin ang mga gastusin ng HSW sa pagkuha ng setipikasyon at kunin na lamang ito sa pondo ng ahensiya na umaabot sa P500 milyon. Napagalaman din na kumikita ang Tesda sa mga nagpapa-accredit na training center na umaabot sa P5,000 bawat isa. Lumitaw din sa naturang pagdinig na kulang sa tauhan ang Tesda para subaybayan ang mga pribadong sektor na nagsasagawa ng assessment sa mga HSW. Inireklamo ng isang OFW na dumalo sa pagdinig na umabot sa apat na araw ang kanyang paghihintay para maisalang sa pagsasanay ng Tesda sa Taguig. Bukod pa rito, inireklamo rin na umaabot ng ilang araw bago makakuha ng sertipikasyon ang HSW taliwas sa pangakong makukuha ang dokumento sa loob ng 24 oras. Ayon kay Hernandez, umaabot sa 33 ang kabuuang Tesda training center sa buong bansa. Sa naturang bilang, 21 nito ang nasa Metro Manila. Ngunit mayroon lamang 14 na tauhan ang Tesda para magmatyag sa mga pagsasanay na ginagawa sa mga HSW. Depensa nila, humahatak na lamang ang Tesda sa mga regional office upang punan ang kakulangan ng mga tauhan sa central office nito sa Metro Manila. Aminado naman siya na may backlog sa pagproseso ng mga dokumento sa Metro Manila ngunit nangyayari lamang umano ito kung kulang ang mga kailangan sa dokumento tulad ng mga litrato. Inireklamo rin ng HSW na hindi akma sa kultura ng bansang kanilang patutunguhan ang itinuturo sa mga training centers. Ginawa nitong halimbawa ang pagtuturo sa kanya ng pagsisilbi ng chopsticks at table cloth para sa paghahanda ng alak gayung ang bansang pupuntahan niya ay Middle East kung saan ipinagbabawal ang alak at kadalasang nakakamay ang mga Arabo kapag kumain. - Fidel Jimenez, GMANews.TV