ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lakas-CMD, mas lehitimong oposisyon sa Kamara -- Rep. Romualdez


Iginiit ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na mas lehitimong oposisyon ang kanilang partidong Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) kaugnay sa napipintong labanan sa posisyon ng House Minority Leader sa pagbubukas ng sesyon ng 16th Congress. Inaasahang makakalaban ni Romualdez sa posisyon ng House minority leader si San Juan Rep. Ronaldo Zamora, na tumakbo at nanalo sa nakaraang halalan sa ilalim ng lokal na lapiang Partido Magdiwang ni San Juan Mayor Guia Gomez. Noong 2010 presidential elections, sinuportahan ni Zamora ang kandidatura ni Sen. Manny Villar, na pambato noon ng Nacionalista Party (NP). Naka-koalisyon naman sa Team PNoy ng Liberal Party (LP) ang NP nitong nagdaang halalan. “We are the opposition bloc in the House and we are not part of the majority coalition. We intend to espouse the position of those in the minority and we feel that we will be a credible leader in that aspect,” pahayag sa media ni Romualdez, presidente ng Lakas-CMD. “We are confident that we are the representative of the true opposition. In fact, we are not sure what the party affiliation of Ronnie Zamora in this Congress. He ran under a local party although traditionally he is very close to NP. The NP is taking a majority position in the Senate and its sounds a little inconsistent that NP will go minority in the House of Representatives,” dagdag niya. Gayunman, sinabi ni Romualdez na bukas siya na makipag-usap kay Zamora bago ang pagsisimula ng sesyon sa July 22 upang malinawan ang usapin ng kanilang kandidatura sa pagtakbong Speaker sa Kamara. Inaasahan na muling makukuha Quezon City Rep. Feliciano Belmonte ang hawak niyang posisyon bilang Speaker ng Kamara dahil sa pagtiyak ng suporta ng mga kongresistang kasapi ng administrasyon. Ang makakalaban ni Belmonte sa pagka-Speaker at makakakuha ng pangalawang pinakamaraming boto ang mahihirang na House minority leader. Dahil dito, sakaling kapwa kumandidato sina Romualdez at Zamora bilang Speaker, kung sino sa kanila ang makakakuha ng pinakamaraming boto kasunod ni Belmonte ang magiging lider ng oposisyon sa Kamara. Una rito, sinabi ni Navotas City Rep. Tobias Tiangco, tagapagsalita ng United Nationalists Alliance, na hindi makukuha ni Zamora ang suporta ng walong mambabatas na kasapi ng kanilang grupo. Bagaman hindi pa umano nakakapagdesisyon ang UNA congressmen kung sasama sa minorya o mayorya, ang tiyak umano ay hindi si Zamora ang kanilang magiging kandidato sa posisyon ng Speaker o Minority leader. - RP/FRJ, GMA News