ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mangingisda, patay matapos nasabugan ng dinamita sa laot


Muling napatunayan ang peligro sa paggamit ng "dynamite fishing" matapos masawi ang isang mangingisda nang masabugan siya ng dinamita habang nasa laot sa Ilocos Sur. Sa ulat ni Mark Masudog ng GMA-Ilocos sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, kinilala ang nasawing biktima na si Rufino Tiki, residente ng Magsingal, Ilocos Sur. Naisugod pa sa ospital ang biktima pero hindi na naisalba ang kanyang buhay dahil sa tindi ng mga sugat na tinamo sa iba't ibang parte ng katawan. Kuwento ng iba pang mangingisdang kasama ni Tiki sa laot, hindi umano nito kaagad naihagis ang hawak na dinamita matapos na sindihan. Paulit-ulit naman ang paalala ng mga lokal na opisyal sa panganib na dulot ng paggamit ng dinamita -- hindi lang sa mga mangingisda kung hindi maging sa mga yamang-dagat. Sa Infanta, Pangasinan, tinatayang 80 kilo ng isda ang kinumpiska ng mga awtoridad matapos na makita ang mga palatandaan na nahuli ito sa pamamagitan din ng pagdidinamita. Nasabat ang mga isda sa isang bus pero walang pasahero na umamin na sa kanila ang mga isda. -- FRJ, GMA News