Pag-alis ng mandatory drug test sa pagkuha ng driver's license, sino ang makikinabang?
Bilang pagtalima sa bagong batas, inihayag ng Land Transportation Office (LTO) nitong Biyernes na aalisin na ang mandatory drug test sa lahat ng mga kukuha ng driver’s license— bagong aplikante man o renewal. “Simula ngayon araw na ito, hindi na po kukuha ng drug test certificate ang lahat po ng mga mag-a-apply at magre-renew ng bagong lisensya sa lahat ng tanggapan ng LTO,” paliwanag ni LTO chief Virginia Torres sa panayam sa “News To Go” ng GMA News TV. “After careful reviews at pagkatapos ng mga talakayan, we have unanimously agreed na ipatupad na ang repeal ng mandatory drug test,” dagdag ng opisyal. Ang tinutukoy ni Torres ay ang bagong Republic Act No. 10586 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, kung saan inaalis na ang sapilitan drug test sa mga aplikante ng driver’s license. Sa ilalim ng bagong batas, ang mga drayber na masasangkot na lamang sa sakuna ang awtomatikong isasailalim sa drug test. Noong una ay may alinlangan ang LTO na alisin ang drug test sa mga aplikante dahil sa paniwala na mahalaga ito upang masuri at hindi mabigyan ng lisensiya sa pagmamaneho ang mga gumagamit ng iligal na droga. Sa datos ng LTO, umabot umano sa mahigit 6,000 aplikante ang nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga kaya hindi sila nabigyan ng lisensiya. Ngunit matapos umano ang pulong nitong Huwebes, sumang-ayon na rin siya na alisin ang drug test. “Just right after our meeting yesterday, nagpadala na po kami ng memorandum circular sa lahat ng regional directors, assistant regional director, heads of agencies, district officers, and all employees,” kuwento ni Torres. “Itong batas na ito ay makakatulong talaga sa pag-safeguard ng ating mga kababayan pati na po drivers themselves,” dagdag pa niya. Hindi epektibo Sa hiwalay na panayam kay Sen. Tito Sotto, pangunahing may akda ng bagong batas, sinabi nito na inalis na nila ang mandatory drug test dahil naabuso ito at hindi rin epektibong panlaban sa mga gumagamit ng iligal na droga. “Sa pagkuha ng driver’s license, it does not serve its purpose. Burden sa mga kababayan natin pagkatapos it doesn’t work,” ayon sa mambabatas. “Mas maganda, doon natin hulihin sa akto. So, ang naisip namin ay alisin ‘yan sapagkat abala lang at pagkatapos ilagay itong mandatory drug testing for those involved in accidents,” patuloy niya. Bagaman nagkakahalaga lang umano ng P50 ang drug testing kit, umaabot naman sa P200 hanggang P300 ang singil ng mga testing center sa aplikante. " Bukod doon, yung drug testing kit para sa ano? para sa marijuana at methamphetamine hydrochloride na hindi naman effective sa kanila; sapagkat wala naman silang drug testing kit para sa cocaine, sa heroine, sa ecstasy at kung anu-ano pa," paliwanag ni Sotto. Dagdag niya, tanging ang mga testing center lamang ang nakikinabang sa naturang mandatory drug testing. - FRJ, GMA News