Mga turistang Taiwanese, bumabalik na sa Boracay
Unti-unti nang bumabalik sa dating sigla ang turismo sa Boracay Island Resort sa paghupa ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan dulot ng pagkamatay ng isang mangingisdang Taiwanese sa Balintang Chanel sa kamay ng Philippine Coast Guard noong Mayo 9.
Ayon sa ulat ni Mao dela Cruz ng dzBB, sinabi ni Department of Tourism-Boracay OIC Artemio Ticar na bagaman hindi pa tuluyang inaalis ng Taipei ang travel ban sa Pilipinas, kapansin-pansin ang unti-unting pagbabalik sa Boracay ng mga turistang Taiwanese bilang "individual tourists."
Gayunpaman, apektado pa rin ang "group tours" sanhi ng pagkansela ng hotel bookings at daily chartered flights mula Taiwan direkta sa Kalibo International Airport.
Sa gitna ng pagbaba ng bilang ng mga turistang Taiwanese sa Boracay simula ng magkaroon ng tensyon ang Taipei at Manila dahil sa insidente noong Mayo 9, agresibo naman umano ang kampanya ng DOT-Boracay sa ibang "prospective Asian market" tulad ng China at Korea.
Kumpiyansa umano si Ticar na maaabot ng DOT-Boracay at Aklan provincial government ang "full-year forecast" na 1.5-million tourist arrivals ngayong taon.
Halos aabot na sa 700,000 na mga turista ang bumisita sa Boracay Island mula noong Enero hanggang Hunyo sa taong kasalukuyan. — RC /LBG, GMA News