ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mas mabigat na parusa sa mga nagpapaupa ng bahay o gusali na nagagamit na shabu lab, isusulong sa Kamara


Dapat umanong patawan ng mas mabigat na parusa ang mga mag-ari o nagpapaupa ng bahay o gusali na nagagamit sa paggawa ng mga iligal na droga, tulad ng shabu. Sa isang pahayag nitong Sabado, sinabing isusulong nina Reps. Vicente Belmonte (Iligan City) at Rufus Rodriguez (Cagayan de Oro City), ang panukalang batas na magtatakda ng mas mabigat na parusa sa mga may-ari o magpapaupa ng bahay o gusali upang mabisto ang mga laboratoryo ng iligal na droga. Sa ilalim ng panukala, aamyendahan ang Dangerous Drugs Act of 2002 upang maipasok ang parusang pagkakabilanggo ng 12 hanggang 20 taon at multang P100,000 hanggang P500,000, sa mga may-ari o nagpapaupa ng bahay o gusali kapag napatunayang nagpabaya sila at nagamit na illegal drug laboratory ang lugar. “With the alarming rate of discovery of such clandestine laboratories in exclusive villages and high-end condominium units in Metro Manila, there is no denying that drug traffickers are determined to continue the nefarious trade at any cost,” pahayag ni Belmonte. Sinabi ng kongresista na dahil sa nakasaad sa kontrata ay kadalasang nawawalan ng pananagutan ang mga may-ari o nagpapaupa ng bahay na nadidiskubre ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency, PNP Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force o National Bureau of Investigation na nagagamit sa iligal na gawain. Nais ng kongresista na magkaroon ng mas malinaw na responsibilidad at pananagutan sa batas ang mga may-ari o nagpapaupa ng bahay sa pamamagitan ng regular na pagsusuri sa mga taong umuupa sa kanilang ari-arian. "Owners should conduct regular visitation on their properties and if a partnership, corporation, association, or any juridical entity owns the property, the person liable for the penalty includes the partner, president, director, manager, trustee, estate executor or administrator, or their duly authorized representative," paliwanag sa naturang pahayag. Pinakamabigat na parusa ang ipapataw kapag napatunayan sa korte na hindi isinumbong sa mga awtoridad ng may-ari o nagpapaupa ang nalalaman nilang iligal na gawaing nagaganap sa kanilang pinapaupahan. -- RP/FRJ, GMA News