Pagputol ng mga puno sa Maharlika Highway, tinututulan sa Naga City
Tinututulan ng ilang mga residente sa Naga City ang posibilidad sa pagputol ng mahigit 650 matatandang mga puno para sa plano ng Department of Public Works and Highways na palawakin ang isang bahagi ng Maharlika Highway sa Camarines Sur.
Pinamumunuan ni Naga City Mayor John Bongat ang pagtutol sa plano at sinuportahan siya ng ilang mga environmentalist at stakeholders, ayon sa ulat ng dzBB noong Miyerkules.
Nauna nang nagbabala ang DPWH na maaaring putulin ang 650 na mga puno – karamihan sa mga ito ay sandaang taon na – malapit sa Maharlika Highway.
Sianbi ni Mayor Bongat na sang-ayon sila sa planong pagpapalawak ng daan, ngunit tutol sila sa pagputol ng mga puno.
Sa isinagawang public consultation sa City Hall noong Martes ng hapon, maraming mga stakeholder at environmentalist ang sumusuporta sa posisyon ng lokal na pamahalaan laban sa pagputol ng mga puno.
Ayon sa ulat ng dzBB, binabalak ng pamahalaang lungsod ng Naga na maghain ng petisyon sa head office ng DPWH dahil walang tugon ang DPWH-Bicol sa kanilang reklamo.
Samantala, iminumungkahi ng ilang mga residente na gawin na lamang ang road-widening project ng DPWH sa Almeda Highway sa halip na sa Maharlika Highway. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News