Mga residente ng N. Cotabato, inilikas dahil sa baha
Inilikas ang mga residente sa mga mabababang lugar sa bayan ng Pigcawayan sa North Cotabato dahil sa hanggang-tuhod na baha dulot ng malakas na ulan noong Martes, ayon sa lokal na social welfare office.
Umaabot ng 4,676 residente ng mga barangay ng Bulacaon, Datu Mantil, Upper Pangankalan at Lower Pangankalan ang inilikas nang umapaw ang katabing ilog, ayon kay Joy Quilban, social welfare and development officer ng bayan.
Ayon kay Quilban, sa Barangay Bulucaon—na pinakalubhang tinamaan ng flash flood, mahigit 1,000 mga residente ang napilitang lumikas at sumilong sa barangay hall at sa mga katabing evacuation center.
“There were 953 families affected by flash floods in four villages,” ani Quilban.
Dagdag niya, mayroon ding naiulat na pagkasira ng mga panananim, at inaalam na ng agriculture office ng bayan ang lawak ng pinsala.
Nagbigay na ng tulong ang municipal welfare office sa mga apektadong pamilya, ani Quilban.
Samantala, sa Kidapawan City, nakaranas din ng hanggang-tuhod na baha ang mga mabababang lugar doon dahil sa malakas na ulan na tumagal ng halos isang oras.
Ayon kay Marlon Ceballos, pinuno ng 505 Dream Rescue Team, ang mga apektadong lugar ay ang mga barangay Poblacion, Taran Subdivision, Nursery Sites, Kalye Putol, at Villamarzo Street.
Walang naiulat na nasaktan mula sa pagbaha, ani Ceballos.
Dagdag niya, nakatakda nang magsagawa ang lokal na pamahalaan ng malawakang cleanup drive sa Nuangan River, na madalas na umaapaw tuwing umuulan ng malakas. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News