Babaeng preso sa Abra, hinalay umano sa loob ng piitan ng jail guard at kawani ng kapitolyo
Isang babae na nakapiit sa Abra Provincial Jail ang ginahasa umano ng isang jail guard at kawani ng kapitolyo. Ang pagsigaw umano ng biktima, narinig ng ibang preso, pati na ang kanyang ama na nakakulong din. Sa ulat ni Manny Morales ng GMA-Ilocos sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, sinabing pinasok ng mga suspek sa selda ang biktimang itinago sa pangalang Precy nitong madaling-araw ng Huwebes. Pinalabas umano ng selda ang mga suspek ang ibang bilanggo na kasama ni Precy, at kasunod nito ay dinala na ang biktima sa palikuran kung saan siya ginahasa. Sinabi ni Precy na nagmakaawa siya at nagsisigaw pero itinuloy pa rin umano ng mga suspek ang paglapastangan sa kanya. Ayon sa ibang bilanggo, narinig nila ang pagsigaw ng biktima. Kabilang sa mga nakarinig ang mismong ama ni Precy na nakakulong din. Naaawa umano siya sa sinapit ng kanyang anak pero wala siyang magawa. Sa follow-up operation ng pulisya ng Bangued, nadakip ang suspek na jail guard na si Emmanuel Guzman. Tumanggi umano si Guzman na magbigay ng pahayag, ayon sa ulat. Pinaghahanap naman ang kasama ni Guzman na si Marvin Bersamin, kawani umano ng kapitolyo at dati ring jail guard. Nangako naman ang pamunuan ang provincial jail na magsasagawa ng sarili nilang imbestigasyon sa naturang krimen. -- FRJ, GMA News