2 kabataang estudyante, naaktuhang nagtatalik sa CR ng isang mall sa Iloilo
Dalawang kabataan na nakauniporme pa ng kanilang paaralan ang nahuli ng guwardiya ng isang mall sa Molo, Iloilo habang nagtatalik sa loob ng comfort room ng lalaki nitong Huwebes ng gabi. Sa ulat ng dzBB radio nitong Biyernes, sinabing nag-iikot ang guwardiya ng mall nang pasukin nito ang CR na pang-lalaki at makita ang dalawang pares ng paa sa ilalim ng pinto ng cubicle. Nang katukin at buksan umano ng guwardiya ang pinto ng cubicle, dito na nakita ang magkasintahan na kapwa 13-anyos na nasa mainit na eksena. Basahin: 3 of 10 teenage girls in Iloilo City pregnant, family planning group says Sinabi sa ulat na idinahilan umano ng babae na maraming gumagamit ng CR na pang-babae kaya pumasok siya sa CR na pang-lalaki. Dinala umano ang dalawa sa tanggapan ng security ng mall at doon na ipinatawag ang kanilang mga magulang. Kamakailan ay iniulat ng National Statistics Office (NSO) na tumaas ng 60 porsiyento ang pagbubuntis ng mga kabataan sa Pilipinas magmula 2000 hanggang 2010. Samantala, sa ulat naman ng The Family Planning Organization of the Philippines, lumitaw na 3 sa bawat 10 teenage girls sa Iloilo City ang nabubuntis. -- FRJ, GMA News