ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

3 patay, 3 sugatan sa aksidente sa Commonwealth Avenue


Tatlo katao ang nasawi habang tatlo naman ang sugatan nang sumalpok an isang matulin na sport-utility vehicle sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City madaling araw nitong Linggo.

Nasagasaan umano ng SUV ang tatlong nasawi na isang balut vendor at dalawang bumibili, ayon sa ulat ni Roland Bola sa radio dzBB.

Nagawa namang alisin ng mga awtoridad ang drayber ng Montero-type na sasakyan pati na ang dalawang sakay nito.

Kinilala ang nasawing balut vendor na si Liza Romero at customer nito na si Julie Montefalco. Hindi naman kaagad nakilala ang ikatlong nasawi na lalaki.

Nangyari ang insidente sa kanto ng Commonwealth Avenue at Katuparan Street bandang alas-3 ng madaling araw.

Ayon sa paunang imbestigasyon, matulin ang takbo ng Montero-type vehicle na may plakang TZI-993 nang masagasaan nito ang mga biktima.

Inaalam na ng mga awtoridad ang ulat na nakipag-karera umano ang Montero sa isa pang sasakyan bago mangyari ang insidente.

Kilala na ang Commonwealth billang isang "killer highway" dahil sa dami ng aksidenteng nagyayari sa kahaban nito. — JGV /LBG, GMA News