Mga opisyal ng isang barangay sa Davao Sur, dinis-armahan ng NPA
Dinis-armahan ng mga miyembro ng New People's Army ang ilang opisyal ng isang barangay sa Davao del Sur noong Martes. Sa panayam ng GMA News Online, kinumpirma ni barangay Kagawad Jubert Ambayan na isang grupo ng NPA ang nagpunta sa Barangay Upper Bala, isang liblib na komunidad, sa lungsod ng Magsaysay, at dinis-armahan ang ilang mga opisyal kabilang na umano siya. Ayon kay Ambayan, kasama sa mga inagawan ng baril ay ang kanilang barangay captain na si Bienvinido Alberio at ang dating Scout Ranger na si Alexander Cabatania. Dinala umano sa isang lugar ng mga NPA ang mahigit 150 sibilyan at doon pinangaralan na iwasan ang paggamit ng illegal na droga, panghahalay, pangnanakaw at kung anu-ano pang mga krimen. "Nagbanta pa ang mga NPA na babalik sila at didis-armahan uli ang mga opisyal kung may mababalitaan silang mga krimen sa barangay," ayon kay Ambayan. Dagdga pa ni Ambayan, wala pang pulis report sa insidente dahil hanggang noong Martes ng hapon, wala pang nagpunta na mga awtoridad sa kanilang barangay. — Mariz Revales /LBG, GMA News