ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

4 na babaeng HS students na sangkot sa prostitusyon, dinakip sa Cebu City


Apat na menor de edad na babae -- isa sa kanila ang itinuturong bugaw -- ang dinakip ng mga awtoridad dahil sangkot umano sa prostitusyon sa Cebu City. Sa ulat ni Allan Domingo ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing mga high school student ang apat na dinakip. Nakumpirma umano ng Cebu City Police Office ang nakalap nilang impormasyon tungkol sa operasyon ng mga menor de edad nang magpanggap na kliyente ang isang pulis. Sinabing hindi bababa sa P2,000 ang hinihingi ng grupo kapalit ng pagsama ng mga babae sa kanilang kliyente. Pero paliwanag ng 16-anyos na itinuturong bugaw ng grupo, hindi niya pinipilit ang tatlong kasama na sumabak sa prostitusyon. Ipinaliwanag niya na siya lamang ang nakikipag-ugnayan sa mga kliyente kung saan magkikita sa pamamagitan ng text. Dahil mga menor de edad ang sangkot sa prostitusyon, ipagkakatiwala muna ang mga babae sa Department of Social Welfare and Development. -- FRJ, GMA News