ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Isang alkalde sa Iloilo, naniniwalang mabisang gamot sa dengue ang katas ng dahon ng papaya


Inirekomenda ng alkalde ng Calinog, Iloilo ang pag-inom ng katas ng dahon ng papaya sa mga may sakit ng dengue, ayon sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes. Sa panayam ni Jennifer Muneza ng GMA-Iloilo, sinabi ni Calinog mayor Alex Centena na napatunayan niya na nakagagaling ang katas ng dahon ng papaya nang painumin at gumaling ang anak ng isa niyang empleyado sa sakit na dengue. Nakatutulong umano ang katas ng dahon ng papaya para pataasin ang platelet count ng may dengue. Dagdag ng alkalde, natutunan niya ang tungkol sa bisa ng katas ng dahon ng papaya nang may bumisitang turista sa kanilang lugar. "Dikdikin ang isang dahon ng papaya, pigain ito gamit ang malinis na t-shirt o panyo, at ilagay ang katas sa kutsara. Inumin ito sa umaga, tanghali at bago maghapunan," turo ng alkalde. Pero tulad ng halamang tawa-tawa, hindi ipinapayo ng Department of  Health ang pag-inom ng katas ng dahon ng papaya bilang panlunas sa dengue. Kailangan pa umano ang masusing pag-aaral sa mga ito para mapatunayan ang bisa nito na makapagpagaling. Sa halip na gamiting gamot ang nabanggit na mga halalan, pinayuhan ng health official ang mga may sintomas ng dengue na magpakonsulta sa duktor. -- FRJ, GMA News

Tags: dengue