ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Celebrities na naging matagumpay sa pulitika, kaya ring magtatag ng dynastiya -- analyst


Mas marami man ang male celebrities na tumakbo at nanalo nitong nakaraang halalan kaysa mga babae, lumitaw naman na mas mataas ang winnability ng female celebrities batay sa naging resulta ng May 2013 elections.
 
Sa datos ng GMA News Research sa nakaraang halalan, lumitaw na nasa 105 ang celebrities na kumandidato sa iba't ibang posisyon. Ang mga celebrity na kumandidato ay mga aktibo at dating artista, taga-media, singer, nasa isports, at iba pa.
 
Sa nabanggit na bilang ng mga celebrity na kumandidato, tinatayang nasa 70 ang mga lalaki at aabot naman sa 34 ang mga babae. 

Sa bilang ng mga lalaking kumandidato, nasa 27 lamang ang nanalo para sa 38 porsiyentong winning percentage, kumpara sa 67 porsiyentong winning percentage ng mga babaeng celebrity na umabot sa 23 ang nanalo.
 
Pero mayorya sa mga nanalong celebrity ay mga dati nang nakapuwesto na tumakbo sa parehong posisyon o kaya naman ay sa mas mataas na puwesto.
 
Isang halimbawa nito ang aktor na si Alfred Vargas na dating konsehal ng Quezon City, na tumakbo sa mas mataas na posisyon at nanalo bilang bagong kongresista ng ika-limang distrito ng lungsod.
 
Kabilang naman sina Jinkee Pacquiao, asawa ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao; at broadcast reporter Sol Aragones, sa iilang mapalad na baguhan sa pulitika na sumabak at nanalo.
 

Si Jinkee ang bagong bise gobernador ng Sarangani, habang nahalal na kongresista sa Laguna si Aragones.
 
Aabot din sa mahigit 30 sa nanalong celebrities ay aktibo, o kaya naman ay madalas pa rin napapanood sa telebisyon tulad ng magkapatid na konsehal na sina Anjo (Quezon City) at Ryan Yllana (Paranaque), Maybelyn dela Cruz (Dagupan, Pangasinan), Laguna Gov. ER Ejercito, at Cavite Rep. Lani Mercado.
 
Ngunit mayroon ding mga aktibong celebrity na hindi pa rin pinalad na manalo katulad nina Aga Muhlach, Richard Gomez, TJ Trinidad, Allan Paule, Joey Marquez at Shalani Soledad.
 
Ang mahalaga sa botante
 
Ayon sa political analyst na si Ramon Casiple ng Institute for Political and Electoral Reforms, hindi malaking usapin sa mga kandidatong celebrities kung aktibo pa sila o hindi nang tumakbo sa eleksiyon.
 
Paliwanag niya, higit na mahalaga pa rin sa mga botante ay kung kilala nila ang kandidato at kung matagal na nila itong nakikita sa kanilang lugar; at hindi tuwing magkakaroon lamang ng halalan.
 
“Ang usapin d’yan is kung kilala ka ba? Ibig sabihin, kung naging active ka noon at naging active ka ngayon (sa profession like showbiz), sumatotal d’yan, pagdating sa election day boboto yung mga botante on the basis of pagkakilala sa’yo,” paliwanag ni Casiple sa panayam ng GMA News Online. 
 
Ganito ang nakikita niyang naging problema ni Richard Gomez na naging aktibo pa rin sa showbiz pero natalo nang kumandidatong alkalde ng Ormoc City.
 
Ayon kay Casiple, nakikita naman niya ang motibasyon at pagnanais ni Richard na magsilbi dahil nagmula rin naman ang aktor sa angkan ng lingkod-bayan.

Basahin: Alamin kung kaninong bituin sa showbiz ang nagningning sa balota ngayong Eleksyon 2013
 
“Parang grandfather niya si Dominador Gomez, one of the key ng labor leader nung start ng American occupation. Yung family niya is not a stranger to politics kaya nandoon yung pagnanais niya. At the same time ang problema niya talaga, Richard Gomez ka, dito ka sa Manila. So ‘pag local (election), magkakaproblema ka,” paliwanag niya. 
 
Ganito rin ang naging sitwasyon ni Aga Muhlach na tumakbong kongresista sa Camarines Sur pero natalo sa kalaban niya na nagmula sa prominenteng angkan ng pulitiko sa lalawigan.
 
Kahit pa sinusunod umano ang election requirement na one year residency sa lugar na tatakbuhan, mas nais pa rin ng mga botante na maituturing tunay na kababayan nila ang iboboto at namamalagi sa kanilang lugar kapag magtayo na doon ng bahay.
 
“Ang problema nagbukas lang kayo ng bahay doon then balik ka na sa Manila. Kaya kapag nag-away na kayo, ang sasabihin nung kalaban, ‘hindi ka naman talaga nagbababad dito eh,” paliwanag ni Casiple.
 
Alternative career
 
Sa tingin ni Casiple, magpapatuloy pa rin ang pagdami ng mga celebrity na kakandidato sa eleksiyon dahil hindi umano nalalayo ang showbiz sa pulitika. Bukod dito, ang pagpili pa rin ng mga tao sa kanilang iboboto ay nakabase pa rin sa personalidad at hindi sa plataporma ng partido o ng pulitiko.
 
“Actually even before martial law meron nang ganyan, although mas marami ngayon (ang tumatakbong celebrities). Mga tipong nagre-retire na sa showbiz parang automatic na sa isip nila patungong pulitika,” aniya.
 
“So patuloy ‘yan, hindi mo maiwasan lalo pa sa isang sitwasyon na walang political party system. Personalistic ang politics natin, hindi naman party program o platform ang basehan ng boto. Kapag ganyan, ang attraction for politics ay hindi mawawala ‘yon,” patuloy ni Casiple.
 
Basahin: Celebrities seeking posts in the May 10 polls

Noong 2010 elections, mas marami ang tumakbong celebrities kumpara noong 2007 elections, ayon sa nakaraang panayam kay Prof. Luis Teodoro, dating dean ng UP College of Mass Communication at director ng Center Media Freedom and Responsibility.
 
Iniuugnay ni Teodoro ang pagdami ng mga celebrities na pumapasok sa pulitika dahil limitado na ang pupuntahan nilang propesyon sa paghina ng entertainment industry.
 
“There’s a decline in the movie industry so they go on TV or politics. Tingin nila kasi madali lang manalo dahil sa pangalan. On the psychological aspect, I think gusto nilang laging nasa limelight,” paliwanag niya sa isang panayam noon na lumabas sa GMA News Online.
 
Bukod dito, sinabi ni Teodoro na maaaring dumadami rin ang celebrities na nahahalal dahil na rin sa pagkadismaya ng mga botante sa mga dating nanungkulan na may pinag-aralan at nagmula sa ibang propesyon pero hindi nagkakaroon ng pagbabago sa kanilang lugar.
 
Naniniwala rin si Casiple sa nagiging alternatibong karera ng mga celebrity ang pulitika dahil kung tutuusin ay hindi naman umano magkaiba ang dalawang larangan.
 
“Totoo ‘yan. Ako tingin ko marami ang mga taga-showbiz dahil na rin sa precedence na mag-iisip na pumasok sa pulitika. Either a second career or primary career then secondary yung showbiz. O ‘di kaya alternative career after,” ayon kay Casiple.
 
Isa pa sa dahilan ng pagpasok sa pulitika ng taga-showbiz ay ang pagkakaroon ng political family background ng celebrity, at nagiging bahagi na sila ng dynasty.
 
"Revilla halimbawa," ayon kay Casiple. "Kaya 'yong pasok nila sa pulitika, hindi masabing showbiz pa, eh, kinuha sila ng kanilang clan o family."
 
Senador ngayon ang tinaguriang Titanic action star na si Ramon Revilla Jr., habang kongresista naman sa Cavite ang kanyang misis na si Rep. Lani Mercado, at bise gobernador ng nabanggit na lalawigan ang anak nila na si Jolo Revilla.
 
Pawang aktibo pa rin sa showbiz ang tatlo.
 
Pero bago pumasok sa pulitika si Sen. Bong, unang naging senador ang kanyang ama na dating action star din na si Ramon "Agimat" Revilla Sr.
 
Bukod sa pagkakaroon ng recall ang pangalan o pagiging kilala, bentahe rin umano sa mga celebrity ang kasanayan na makisalamuha sa mga tao at mahusay na pagsasalita.
 
At katulad umano ng mundo ng showbiz, maituturing nasa limelight din ang mundo ng pulitika.
 
"Ang wala sa mga taga-showbiz na usually nagiging 50/50 na, yung usapin na kakayahan na mag-govern kasi wala ganuong klaseng training sa showbiz. Kumbaga, mahilig ka dahil popular ka, pero pagdating mo doon anong gagawin mo?," aniya.
 
Mga aabangang pangalan
 

Sa ngayon, halos karamihan ng mga nanalo sa nakaraang halalan ay nakapuwesto sa lokal na posisyon tulad ng gobernador, bise gobernador, alkalde at mga konsehal.
 
Sa pagtaya ni Casiple, mayroon ilang celebrities ang may tiyansang makasampa sa national position tulad ng senador, bise presidente at presidente.
 
"Vilma Santos(Recto)," bungad ni Casiple nang tanungin kung sino sa tingin niya ang maaaring umakyat sa national position.
 
Kasalukuyang nasa kanyang ikatlo at huling termino bilang gobernador  ng Batangas si Vilma, asawa ni Sen. Ralph Recto. Napapabalitang kakandidato bilang bise presidente sa 2016 election ang actress-turned-politician.
 
Pero sa mga nakaraang panayam sa batikang aktres, sinabi nito na wala pa sa isip niya ang 2016 elections at nakatuon ang kanyang atensiyon sa kanyang lalawigan.
 
"Kasi si Vilma successful ang transition niya, actually hindi nga siya nag-transit. Tuluy-tuloy naman yung movies niya pero nag-transform talaga siya kasi may governance record na siya," ayon kay Casiple.

Basahin: PHL political dynasties: Winners, losers in May 13 elections
 
Nabanggit din ng political analyst ang pangalan nina Quezon City Mayor Herbert Bautista at Manila Vice Mayor Isko Moreno.
 
Ilan sa mga celebrity na nakapuwesto ngayon sa Senado ay sina Sens. Tito Sotto, Lito Lapid, Loren Legarda, Grace Poe at Jinggoy Estrada.
 
Dagdag pa ni Casiple, sinumang celebrity na naging matagumpay sa pagpasok sa pulitika at naging maganda ang pagpapatakbo sa kanyang nasasakupan ay maaaring makabuo ng sarili niyang dynastiya.
 
Ilan sa mga celebrities na may higit sa dalawang miyembro ng pamilya ang nasa posisyon ay sina Manila Mayor Joseph Estrada, Sen. Tito Sotto, Laguna Gov. ER Ejercito, Sen. Bong Revilla Jr., Rep. Manny Pacquiao, at Batangas Gov. Vilma Santos-Recto.
  
Gayunpaman, sinabi ni Casiple sa nakaraang panayam na dahil nagiging metikuloso na rin ang mga botante sa mga kandidato, at kahit halos kalahati sa celebrities na tumakbo ay nanalo, hindi na sapat ang kasikatan o popularidad ng artista para manalo sa eleksiyon. -- MMacapendeg/FRJimenez, GMA News


 

 
Tags: eleksyon2013