SONA ni PNoy, umani ng magkakaibang reaksiyon
Umani ng magkakaibang reaksiyon mula sa mga mambabatas ang laman ng talumpati ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes. Kasabay nito, ilang kongresista ang umaasa na magkakaroon ng katuparan ang hinahangad ni Aquino na "inclusive" economic growth ng bansa na makakapag-ahon sa kahirapan sa maraming Pilipino. “I would like to congratulate the President for a well-delivered SoNA. Maganda ang mga istorya niya, pero sana naman mararamdaman rin natin sa lalawigan natin sa Leyte,” ayon kay Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, kasapi ng minorya na nangakong sisilipin na mabuti ang hihinging P2.268-trilyong budget ng pamahalaan para sa 2014. Naniniwala ang mambabatas na mahalagang bahagi ang 2014 budget upang makamit ang hinahangad na paglago ng ekonomiya sa loob mismo ng bansa na mangyayari lang kapag lumago ang panloob ng kalakalan tulad ng sektor ng agrikultura. “The budget is the most important piece of legislation in Congress that we have something to look at. The budget for next year will be amounting to more than two trillion pesos, far larger than the budget before. Kailangang himayin natin ito and look at the policy statements,” pahayag niya. Pinuri rin ng isang international business group na dumalo sa SONA ang talumpati ni Aquino bunga na rin umano ng malaking pagbabago sa usapin ng pagnenegosyo sa bansa. “Yes we are happy with the speech, particularly on the legitimacy of doing business in the Philippines. That’s very, very important and critical to all legitimate companies operating in the country and companies willing to come in to the country. The first concern is if they can make a legitimate business in the Philippines? The President is aware and pushing all the initiatives toward this direction,” ayon kay Manos Koukourakis, Philippines general manager para sa Japan Tobacco International. Gayunman, sinabi nito na marami pa ang kailangan gawin ng pamahalaan para maramdaman ng mas maraming Pilipino ang paglago ng ekonomiya at mabawasan ang kahirapan. “I think he’s (Aquino) doing great so far and you can see the results around his presidency. What I would like to see in action is what he promised about inclusive growth, reduction on poverty and unemployment rates, increase in the disposable income of the average Filipino like all of you and me. That’s what I would like to see in practice. I wish the best of luck to the President,” dagdag ni Koukourakis. Ngunit para kay Gabriela party-list Rep. Luzviminda Ilagan, walang pagbabagong naganap sa pamamahala ni Aquino dahil sa patuloy umanong kahirapan at katiwalian sa gobyerno. Pinuna rin niya at ikinukonsiderang pahirap ang mga ginagawang pagsasapribado sa ilalim ng Public Private Partnership (PPP) program tulad ng kalusugan at pagtataas sa singil sa pamasahe sa MRT at LRT. Ganito rin ang pananaw ni Anakpawis party-list Rep. Fernando Hicap, na nagpahayag na ang laman ng talumpati ni Aquino ay taliwas sa katotohanang nangyayari sa bansa. " It’s the exact opposite of what is experienced by majority of the population. The State of the Nation Address is Aquino’s daydreams and nightmare for the people. The so-called ‘inclusive growth’ will only be an illusion. There will be no real growth and economic development without genuine land reform and national industrialization, ” ayon sa kongresista. Sinabi naman ni Las Piñas City Rep. Mark Villar, uupong chairman ng House committee on trade and industry, na dapat suportahan ng Kongreso ang mga hinihinging panukalang batas na nais ni Aquino na maipasa para magpatuloy ang paglago ng ekonomiya. "The next three years are good signs of more improvements to our economy. Nakikita natin and we are on the right track. The next three years are critical kasi maganda ang performance ng ekonomiya. It is imperative that he has the full support of Congress, ” pahayag niya. -- RP/FRJ, GMA News