ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Mga OFW sa Jeddah na may exit visa, pinauuwi na
By Ronaldo Concha
Nanawagan ang mga opisyal ng Philippine Overseas Labor Office at Overseas Workers Welfare Administration sa Jeddah, Saudi Arabia sa lahat ng undocumented OFWs na mayroon ng exit visa at iba pang travel documents na umuwi na agad sa Pilipinas.
Ito'y matapos 'di sumipot sa airport ang isang OFW sa araw ng kanyang pag-alis sana pauwi sa bansa noong nakaraang linggo.

Mga OFW sa Jeddah habang naghahanda sa kanilang pag-alis pauwi ng Pilipinas. Ronaldo Concha
Sinubukan parin daw nilang mag hintay nung araw nang kanyang nakatakdang paglipad, pero tuluyan nang hindi nagpakita ang OFW.
Dahil sa nangyari ay nasayang daw lamang ang exit visa na siyang pinaka importante para sa ating mga kababayang matagal nang nagpoproseso na makakuha nito sa deportation area.
Ang nasabing OFW ayon sa OWWA ay kabilang sa 66 na undocumented workers pero lehitimo pa ring miyembro nang kanilang ahensiya.
Dagdag pa ng OWWA, sagot ng ahensiya ang pamasahe sa eroplano pauwi ng mga lehitimong miyembro nito.
Sana ay hindi na raw maulit ang nangyari dahil sa malaking problema na maari nilang kaharapin pag natapos na ang ekstensiyon ng amnestiya sa Nobyembre.
Sa ngayon daan-daang pa ring undocumented OFWs ang hindi pa nakakakuha ng exit visa at nangangamba na hindi makauwi ng Pilipinas bago matapos ang extension sa deadline na ipinagkaloob ng hari Saudi Arabia. — LBG, GMA News
More Videos
Most Popular