ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pamimigay ng pera ng gobyerno sa mga mahihirap, dapat umanong pag-aralan


Nais ng isang obispo ng Simbahang Katoliko na magsagawa ng masusing pag-aaral ang pamahalaan kung epektibong panlaban sa kahirapan ang ipinatutupad nitong conditional cash transfer (CCT) program.   Sa panayam ng isang himpilan ng radyo, sinabi ni Novaliches Bishop emeritus Teodoro Bacani, na kailangan ang naturang pag-aaral para malaman kung tunay na mga mahihirap ang nakikinabang sa programa na pinaglalaanan ng bilyun-bilyong pondo ng gobyerno.   “Dapat pag-aralan ‘yan. In the long run nakakatulong bang mabuti. Ako, I’m all for helping the poor but they must review the program whether the benefits are that  are approved to them, are for real,” paliwanag ng obispo sa Radio Veritas. Basahin: Govt to expand cash transfer program to include 18 year olds in poor families   Una rito, inihayag ng Malacanang na itataas sa P78.9 bilyong ang pondong ilalaan ng pamahalaan sa 2014 upang madagdagan pa ang mga mahihirap na pamilyang makikinabang sa programa.   Sa ilalim ng programang pinamamahalaan ng Department of Social Welfare and Development, ipinagkakalooban ng buwanang pinansiyal na tulong na aabot sa P4,000 ang mahihirap na pamilya. Pero nakapaloob dito ang kondisyon na dapat pag-aralin nila ang kanilang mga anak.   Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni Solidarity Philippines lead convenor Fr.Joe Dizon, na hindi tama na ibuhos ang malaking bahagi ng taunang pondo ng gobyerno sa CCT program na hindi naman pangmatagalang solusyon sa problema ng kahirapan.   Sa halip, sinabi ni Dizon na mas makabubuting paglaanan ng administrasyon Aquino ng malaking pondo ang pagpapalago sa industriya ng agrikultura na marami ang higit na umaasa.   Sa nakaraang datos na ipinalabas ng National Statistical Coordination Board, umaabot sa 27.9 porsiyento ang poverty incidence sa bansa sa unang bahagi ng 2012, na kakaunti lang ang ibinaba sa 28.6 porsiyentong naitala noong 2009. - MP/FRJ, GMA News