ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PHL Consulate sa Jeddah, tinangkang sunugin ng ilang OFWs


Tinangkang sunugin ng isang grupo ng undocumented OFWs sa Jeddah ang Philippine Consulate noong Lunes.

Sa panayam ng GMA News sa ilang mga Filipino na nagkakampo sa loob ng compound ng konsulado, sinabing kitang-kita umano nila ang 'di kilalang mga lalaki na nakapuwesto sa likod ng gusali at may hawak na bagay na tinangka pang ibato.

Napigilan ang pagbato dahil nagsigawan ang mga nakakita, ayon sa mga nakasaksi.

Agad namang inalerto ng lider (na kinilalang si Hassan) ng mga nagkakampo doon ang diplomatic guards, matapos makumpirmang may tangkang manunog ng mga  suspek.

Nahuli ng mga awtoridad ang apat sa limang suspek. Lider umano ng grupo ang nakatakas.

Ayon kay Hassan, may bitbit umanong gasolina ang ilang kababaihang kasabwat ng mga suspek.

Ngunit pinakawalan agad umano ang mga nanuli matapos lumuhod at magmamakaawa ang mga babaeng kasama ng mga ito.

Sinabi naman ni Consul General Uriel Norman Garibay na nahuli na ang mga nagtangka na manunog at kasalukuyan nang nakakulong kaya hindi na muna daw sila magbibigay ng pahayag habang iniimbestigahan ang insidente.

Nabalot umano sa takot ang nasa temporary shelter (o tent city) ng madaling-araw noong Lunes, katunayan, ihinanda na umano ng ilan ang kanilang mga kagamitan, ayon sa mga nakausap ng GMA News.

Samantala, may nagsasabing maiinit na ang mga ulo ng karamihan sa mga nagkakampo doon dahil halos apat na buwan nang naghihintay na maayos na ang kanilang mga dokumento.

Sinabi ng isang OFW na ayaw magpakilala na kaya umano tinangka ng mga suspek na sunugin ang konsulado "upang masira na ang lahat ng mga computer at mawala ang mga data at wala nang hahanapin sa deportation, bukod sa identification...  tapos exit visa na at diretso na sa airport."

Nananawagan naman ang mga nasa tent city sa kapwa nila undocumented OFWs na huwag maging marahas at maghintay na lamang at tiyak na makauuwi ang lahat sa Pilipinas. — Ronaldo Z. Concha /LBG, GMA News