ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Turismo ng CDO, naapektuhan ng naganap na pagsabog sa resto-bar


Nagsagawa ng misa at noise barrage ang ilang grupo sa Cagayan de Oro City bilang pagkondena sa ginawang pagpapasabog sa isang resto bar sa Limlketkai Center noong Biyernes na ikinasawi na ng walo katao. Sa ulat ni Joanne Tabique ng GMA-Northern Mindanao sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing kapuna-puna na naging madalang ang mga namamasyal sa lugar makaraang ang naganap na pagsabog noong Biyernes na ikinasugat din ng 40 iba pa. Ayon sa travel and tours association, maraming turista ang umalis sa lungsod matapos ang insidente. Bukod pa rito ang mga nagpakansela ng kanilang booking. Sa kabila nito, umaasa ang presidente ng asosasyon na si Tito Mora na malalampasan din nila ang krisis na idinulot ng insidente. Sa pangunguna naman ng Philippine Medical Society, isang misa ang idinaos sa lugar na pinangyarihan ng pagpapasabog kung saan marami sa mga naging biktima ay duktor at medical practitioners. Nanawagan sila sa lokal na pamahalaan at awtoridad para sa maagang ikalulutas ng kaso at mabigyan ng hustisya ang mga biktima. Isang noise barrage din ang ginawa ng ilang estudyante at civic groups para kondenahin ang nangyaring insidente. -- FRJ, GMA News