ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga pasyenteng may sintomas ng dengue, siksikan na sa Abra Provincial Hospital


Dahil sa dami ng mga batang hinihinalang may dengue, napuno na ng mga pasyente sa pediatric ward ng Abra Provincial Hospital. Katunayan, maging ang hall way hanggang sa harapan ng orthopedic ward ng pagamutan ay mayroon na ring mga nakahigang pasyente. Nitong nakaraang araw, 10 bata ang dinala sa pagamutan na mayroon ding sintomas ng dengue. Sa ngayon, umaabot na sa 60 bata ang ginagamot sa ospital. Sa naturang bilang, 16 na pasyente na ang nagpositibo sa dengue. Dahil na rin sa dami ng mga dinadalang pasyente na hinihinalang may dengue, isinasabing madaling nauubos ang ginagamit nila sa laboratory test. Samantala sa Sitio Balaleng, Bantay, Ilocos Sur, pinapangambahan din ang sakit na dengue dahil madaling bahain ang lugar.  Kung hindi kaagad huhupa ang tubig, pinapangambahan ng mga residente na pamugaran ito ng lamok. Mababa ang bahagi ng ng Sitio Balaleng kaya madali itong bahain kahit na hindi naman kalakasan ang buhos ng ulan. Ayon sa residenteng si Tata Noli,  halos wala raw pagbabago sa kanilang lugar sa paglipas ng panahon pagdating sa problema sa baha. -- Manny Morales/ FRJ, GMA News

Tags: dengue,