Photo-journalist, binaril sa harap ng kanyang anak sa GenSan
Isang photo-journalist ang binaril sa loob mismo ng kanyang bahay at sa harap ng kanyang anak sa General Santos City nitong Huwebes ng gabi. Sa ulat ni Jennifer Solis ng GMA-GenSan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Mario Sy, residente ng barangay Dadiangas West, photo-journalist ng lokal na pahayagan. Ayon sa asawa ng biktima na si Violeta, dakong 8:00 p.m. nang magpahinga ang kaniyang mister sa kanilang sala matapos ng kanilang hapunan. Hindi nagtagal, isang lalaki ang pumasok sa kanilang bahay at pinagbabaril ang biktima sa harap ng kanilang 15-anyos na anak. May kasama pa umano ang suspek na naghihintay sa labas ng bahay. Nang maisagawa ang paglikida kay Sy, mabilis na tumakas ang mga suspek. Takot naman ang namamayani ngayon kay Violeta sa pangambang balikan sila ng mga suspek. Napag-alaman na may 20 taon nang nagtatrabaho si Sy bilang photo-journalist at nagsa-sideline din bilang tourist photographer sa lungsod. Ayon kay Edwin Espejo, dating presidente ng GenSan chapter ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), inaalam pa ng mga awtoridad kung may kinalaman sa kanyang trabaho ang pagpatay dito. Kapag napatunayan may kinalaman sa trabaho ang pagpatay kay Sy, siya na ang magiging ika-11 mamamahayag na pinaslang sa GenSan at pang-18 sa buong bansa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III. Nitong Miyerkules, dalawang kolumnista ng pahayagang tabloid ang pinagbabaril din at pinatay sa Quezon City. -- FRJ, GMA News