ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ang huling Hari ng Balagtasan


Si Jose Corazon de Jesus, na kilala rin bilang "Huseng Batute" ang idineklarang unang Hari ng Balagtasan noong 1925. Pero kilala niyo ba kung sino ang naging huling hari ng sikat noon na balitaktakan ng mga makatang Pilipino? Nagsimula ang balagtasan noong Abril 1925 na bahagi ng selebrasyon ng kaarawan ng itinuturing bayani sa literatura na si Francisco Balagtas o Francisco Baltazar. Matapos ang pagpupulong ng mga tanyag sa literatura, napili ang mga kakatawan sa tatlong grupo na magtatagisan sa talim ng patulang debate na tinawag na "Balagtasan." Ang anim na napili ay sina De Jesus, Florentino Collantes, Amado Hernandez, Guillermo Holandez, Rafael Olay at Tomas de Jesus.          Sa huling bahagi ng kompetisyon na idinaos sa isang staduim sa Sta Cruz, sina De Jesus at Collantes ang naglaban sa korona bilang kauna-unahang Hari ng Balagtasan, na napanalunan ni De Jesus. Ngunit nang pumanaw si De Jesus noong 1932, ang korona ay napunta kay Collantes at tinanganan niya ang korona hanggang sa kanyang kamatayan noong 1951. Sa pagkawala ni Collantes, ang nakatunggali niyang si Emilio Mar Antonio na tubong Bulacan ang humalili sa korona, at kinilalang pinakahuling Hari ng Balagtasan na pambansang antas. Pumanaw si Antonio sa Maynila noong 1967 sa edad na 63.-- FRJimenez, GMA News

Tags: pinoytrivia