Posibleng kakambal na naging bukol, kailangang alisin sa ulo ng sanggol
Humihingi ng tulong ang mga magulang ng isang sanggol sa Janiuay, Iloilo upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang bagong silang na sanggol na may malaking bukol sa ulo. Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, nagsusumamo si Gng. Estelieta Rapista na matulungan sana ang kanyang anak para maalis ang malaking bukol nito sa ulo para mabuhay ng normal. Ayon sa mga magulang ng sanggol, sinabihan sila ng duktor na may nabuong utak sa bukol nito. Ngunit kailangan pa umanong palipasin ang dalawa hanggang tatlong taon bago gawin ang operasyon sa bata. Naniniwala naman ang mga kaanak ng sanggol na ang bukol ay kakambal ng bata pero hindi tuluyang nabuo. Nang ipakita sa ilang duktor ang larawan ng bata, nagpahayag din sila ng posibilidad na maaaring kakambal ng bata ang bukol. Sa ngayon, problema ng pamilya ang pagkukunan ng pangtustos sa pangangailangan ng sanggol kaya humihingi sila ng tulong sa mga taong may mabuting kalooban. -- FRJ, GMA News