3 mag-aaral na nagsalita ng Ilokano sa loob ng eskwelahan sa Ilocos Norte, pinatalsik
Dahil sa patakaran na "English Only" ang salitang gagamitin sa loob ng eskwelahan, tatlong mag-aaral sa isang private school sa Laoag, Ilocos Norte ang pinatalsik nang gamitin nila ang sarili nilang wikang Ilokano. Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabing mismong ang mga kamag-aral ng mga bata ang nagsumbong sa pamunuan ng Saviour’s Christian Academy (SCA) tungkol sa pagsasalita ng mga ito ng Ilokano. Kasunod nito, kaagad na nagpalabas umano ng memorandum ang pamunuan ng paaralan na nagsasabing kailangan na nilang maghanap ng ibang paaralan dahil expelled na sila. Ang pagpapatalsik sa kanila sa paaralan ay parusa umano dahil sa paglabag nila sa English only policy ng eskwelahan. Ngunit reklamo ng isa sa mga kaanak ng isa sa mga bata, reprimand lang ang nakasaad na parusa dapat sa mga bata batay sa student handbook. Tumanggi umanong magbigay ng pahayag ang pamunuan ng paaralan tungkol sa usapin. Samantala, sinabi ng Department of Education na kailangan munang maghain ng pormal na reklamo ang pamilya ng mga bata bago nila aksyunan ang naturang usapin. -- FRJ, GMA News