Mga kawani ng gobyerno, walang maaasahang umento sa 2014
Sa kabila ng sinasabing pag-unlad ng ekonomiya ng bansa, walang maasahang dagdag na suweldo ang mahigit isang milyong kawani ng pamahalaan sa 2014.
Ito ang inamin ni Budget and Management (DBM) Sec. Florencio Abad nitong Miyerkules sa ginawang pagdinig ng House committee on appropriations sa P2.268 trilyong panukalang budget ng gobyerno sa 2014.
"Provisions for increases in salary of government workers are not provided. We need to assess, study what has been the impact and determine if another round is needed because it would entail huge money," paliwanag ni Abad sa mambabatas.
Ginawa ng kalihim ang paliwanag mula naman sa pag-usisa ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list Rep. Antonio Tinio, kung may aasahang umento ang mga kawani ng gobyerno sa susunod na taon.
Inungkat ni Tinio ang dagdag-sahod sa mga government worker dahil na rin sa paniwala umano sa isinagawang pag-aaral ng National Economic Development Authority (NEDA), na ang panibagong adjustment sa Salary Standardization Law (SSL) ay makabubuti sa ekonomiya dahil lalakas ang kakayanan ng mga tao na gumastos.
Una rito, iminungkahi ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. sa Kongreso na simulan ang pagtalakay sa Salary Standardization Law IV.
Ayon kay Andaya, ang unang bersiyon ng nasabing batas ay nilagdaan noong 1989, at ang pinakahuli at ikatlo ay nilagdaan noong 2009.
Ang huling bahagi ng salary increase sa mga kawani ng gobyerno ay naibigay noong 2012 kaya wala na silang natanggap na umento ngayong taon.
Hindi nagamit na pondo
Samantala, sinabi ni Abad na aabot sa P75 bilyon ang naipong pondo na hindi nagamit ng walong kagawan ng gobyerno noong 2012. Gayunpaman, ang mga natipid na pondo ay inilipat at ginamit sa iba pang mahalagang proyekto ng pamahalaan.
Ang mga kagawaran na nakatipid umano ng pondo ay ang Departments of Public Works and Highways (DPWH), Education (DepEd), Social Welfare and Development (DSWD), Health (DoH), Agriculture (DA), Agrarian Reform (DAR), Environment and Natural Resources (DENR), Transportation and Communications (DoTC).
Ngunit pangamba ni Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares, baka ginamit ang mga natipid na pondo sa mga proyekto na hindi naman nakalista sa 2012 GAA.
Dahil dito, sinabi ni Abad na hihilingin nila sa Kongreso na pahintulutan at bigyan ng isang taon na palugit ang pamahalaan na gamitin ang natitipid na pondo ng bawat kagawaran.
"We are now following reforms to accelerate the implementation of government programs and services such as the one-year lapsing of appropriations. By the end of the year, if the appropriation has not been issued any allotment or an allotment has not been obligated, you can't carry it over next year," ayon sa kalihim. - RP/FRJ, GMA News