ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Magtiyuhin, huli matapos magnakaw at hipuan umano ang isang dalagita sa Bataan


Nahuli ng mga pulis nitong Martes ang magtiyuhin na sangkot umano sa pagnanakaw at panghihipo sa maselang bahagi ng katawan ng isang dalagita na natutulog sa bahay na kanilang nilooban sa Orion, Bataan. Kinilala ni P/Senior Insp. Ronnie Fabia, hepe ng Orion police, ang mga dinakip na sina George Mendoza, 40, tricycle driver ng Pilar, Bataan, at ang pamangkin nito na sinasabing minor de edad na mula naman sa barangay Lusungan, Orion. Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing pinasok ng magtiyuhin sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana ang bahay ng pamilya Dizon sa barangay Lusungan dakong 2:00 a.m. nitong Martes. Kinuha umano ng mga suspek ang ilang gamit at pera sa bahay gaya ng mga gadget. Nagising naman daw ang isang 13-taong gulang na babae nang maramdaman nitong hinihipuan siya ng isa sa mga suspek  sa maseselang bahagi ng kanyang katawan. Lingid sa kaalaman ng magtiyuhin, may nakapagsumbong na sa pulisya kaugnay ng ginagawa nilang pagnanakaw at nahuli sila bago pa makatakas. Sa kabila ng pagtanggi ni Mendoza na sangkot siya sa pagnanakaw, nakuha umano sa kanya ng mga pulis ang ilang gamit mula sa bahay. Nakuha naman sa minor de edad na suspek ang cellular phone at wallet na may pera na pag-aari umano ng mga Dizon.. Kakasuhan ng pagnanakaw at act of lasciviousness ang mga suspek, sabi kay Fabia. -- Ernie B. Esconde/FRJ, GMA News

Tags: robbery, thief