ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Panukalang batas para parusahan ang same-sex adultery, tinutulan


Isang kongresista at isang lider ng lesbians, gays, bisexuals and transgenders (LGBT) group ang nagpahayag na hindi na kailangan ang inihaing panukalang batas sa Kamara de Representantes na naglalayong parusahan ang mga asawa na makikipagrelasyon sa kapareho nilang kasarian. Ayon kay Gabriela party-list Rep. Luzviminda Ilagan, may umiiral ng batas na nagpapataw ng parusa sa mga nagtataksil na asawa, anuman ang kasarian nito. “My opinion is that if it is adultery, it can still be covered by the existing penalty. Whether homo or hetero, it should not make a difference,” paliwanag ng mambabatas. “Regarding how it will fare in Congress, vis a vis divorce, etc. will be determined in committee hearings. Any proposal that threatens the status quo and the narrow moralistic view of the Catholic Church will meet resistance,” dagdag niya. Una rito, inihain ni Albay Rep. Edcel “Grex” Lagman, Jr., ang House Bill (HB) No. 2352 na tinawag ding "My Husband's Lover" bill, na hango sa sikat na Kapuso serye na may kaparehong titulo. Nakapaloob dito ang pagpapataw ng kaparusahan sa mga mister o misis na mangangaliwa at makikipagrelasyon sa katulad nila ang kasarian. Sa Kapuso series na "My Husband's Lover," tinalakay dito ang kuwento ng isang mister na lihim na bakla, na nakipagrelasyon sa kapwa lalaki kahit pa mayroon na siyang asawa at mga anak. Paliwanag ni Lagman, isang abogado, napaglipasan na ng panahon ang kasalukuyang batas na nagpaparusa sa mga nagtataksil na asawa sa ilalim ng Article 333 ng Revised Penal Code  o ang "Crimes against Chastity." Dagdag ng kongresista, ang “thou shall not commit adultery” sa commandment ay hindi lang dapat para sa mga lalaki at babae, kung hindi maging sa LGBT community. Basahin: Opisyal ng CBCP: Bakla at tomboy, pwedeng maging santo pero... Ngunit para kay Bemz Benedito, secretary-general ng LGBT group na KAPATID,  walang kinalaman sa kasarian sa kasalanan ng pagtataksil ng isang tao. “The bill is promoted as a broadening of the adultery law to include gays and lesbians. E ano naman ang kinalaman ng kasarian sa pangangaliwa?," tanong niya. “Adultery is adultery, regardless of gender. Same thing with concubinage. The Lagman measure in fact, narrows the scope of adultery by limiting its discussion along gender lines," dagdag ni Benedito. Inihayag pa niya na dapat na malaman ni Lagman na maging ang mga bakla at tomboy ay nasusuklam din sa mga nagtataksil. "If the bill really wants to broaden the scope of the law on adultery, it should just state ‘person’ instead of qualifying it according to gender. It should be worded as ‘prohibiting a married person from engaging in sexual activity with another person.’ That is genuine broadening, that is making things equal, regardless of gender,” paliwanag niya. -- RP/FRJ, GMA News