ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga tanim na 'gintong palay' sa Pili, CamSur, inatake ng mga demonstrador


Sinugod ng mga galit na demonstrador na kontra sa genetically modified crops ang regional unit ng Department of Agriculture sa Pili, Camarines Sur at binunot ang mga nakatanim na genetically modified rice na tinatawag ding "golden rice." Walang nagawa ang mga guwardiya ng ahensiya nang makalusot sa gate ang mga raliyista at nagtungo sa lugar kung saan nakatanim ang inieksperimentong palay. Dito ay binunot ng mga demonstrador ang mga "gintong palay" na pinaniniwalaan nila na posibleng makasama sa kalusugan ng mga tao. "Ang tunay na sagot sa malnutrisyon ay bigyan ng magandang pagkain ang mga kabataan, hindi tulad ng golden rice," ayon kay Tino Rabi, tagapagsalita ng mga nagpoprotesta. "Ang golden rice ay hindi talaga sagot sa kahirapan,"giit pa niya. Nabuo ang golden rice mula sa paghahalo ng dalawang uri ng genes. Isa rito ang genes mula sa mais at isang organismo mula sa lupa. Ang produktong beta-carotene mula rito ay ilalagay sa genes ng bigas. Sinasabing ang golden rice ay mayaman sa Vitamin-A at beta-carotene na mahusay sa mga lugar na mataas ang kaso ng malnutrisyon tulad ng Camarines Sur, ayon sa opisyal ng DA. Pero batay umano sa isang pag-aaral ng World Health Organization, posibleng magkaroon ng side effect gaya ng allergy at problema sa bituka ang mga genetically modified na pagkain kung hindi ito masusing mapag-aaralan bago ilabas sa pulbiko. -- FRJ, GMA News

Tags: rice, palay, gmo