ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinaniniwalaang 800-taon gulang na 'mother' balangay, nahukay sa Butuan City


Maaaring mabago umano ang kasaysayan ng paglalayag ng mga Pilipino matapos matuklasan ang isang malaking balangay sa Butuan City sa Mindanao na tinatayang nasa 800-taong gulang.
 
Ang natagpuang balangay na hindi bababa sa 25 metro ang haba ay ang itinuturing pinakamalaking sasakyang pandagat ng mga sinaunang Pilipino.
 
Mas matanda pa umano ang balangay sa mga barkong ginamit nina Ferdinand Magellan na tumuntong sa bansa noong ika-16 na siglo.
 
Pako, sintaba ng 'coke in can'
 
Pinangunahan ni National Museum archeologist Dr. Mary Jane Louise A. Bolunia ang pananaliksik at pagsusuri sa nasabing balangay. Ayon sa kanya, sintaba ng coke in can ang mga kahoy na ginawang pako sa nasabing sasakyang pandagat.
 
"That's just one of the treenails used in its construction," aniya.
 
Paliwanag ni Dr. Bolunia, ang pinakamalaking balangay na natagpuan nila sa Butuan simula noong 1970s ay halos 15 metro lamang ang haba. Subalit, noong 2012, natagpuan nila ang isang mas malaking balangay na kasya ang mga naunang balangay na natagpuan nila.
 
Hindi pa tapos hukayin ang ilang parte ng barko pero sa pag-aaral ni Dr. Bolunia, wala nang mga klase ng puno sa bansa ang kayang gayahin ang naturang balangay.  Ayon sa kanya, masyadong malalaki ang tabla na ginamit sa paggawa dito.

 
Mas malalim na pag-aaral
 
Samantala, patuloy umano ang pananaliksik at pag-aaral ng grupo ni Dr. Bolunia sa balangay.
 
"We have to be careful. There has not been enough time to study (the artifacts). It could be a Spanish boat or Chinese junk,” pahayag ni Ramon Villegas, isang iskolar na may malawak na pag-aaral sa kasaysayan ng bansa.
 
Bukod sa carbon dating, kailangan din umanong malaman kung anong klaseng kahoy ang ginamit sa paggawa ng balangay.
 
"Everything depends on the construction, on how the boat was built, before you can properly call it a balangay," paliwanag ni Dr. Jesus Peralta, isang archeologist at anthropologist.
 
Dagdag naman ni Dr. Bolunia: "It's a 'mother boat' and it's changing the way we think about ancient Filipino seafarers." -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News