9-anyos na elementary student, patay sa komplikasyon dahil sa pambubogbog daw ng mga kapwa mag-aaral
Maagang nagwakas ang buhay ng isang 9-anyos na elementary student dahil umano sa ginawang pambubogbog ng mga kapwa mag-aaral sa loob ng kanilang paaralan sa Pili, Camarines Sur. Sa ulat ni Charissa Pagtalunan ng GMA-Bicol sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing pumanaw ang biktimang si John Joseph Bruca, isang linggo makaraan siyang dalhin sa ospital dahil sa tinamo niyang mga pasa sa katawan. Ayon sa ina ng bata na si Gng. Rhea Bruca, Agosto 2 nang umuwing halos walang malay ang kanyang anak. Nang tanungin umano ng ina ang anak kung ano ang nangyari, hindi na ito makapagsalita. Kaagad niyang dinala sa ospital si John Joseph pero binawian siya ng buhay pagkaraan ng isang linggo bunga ng komplikasyon umano sa mga pasa, na nauwi sa cardiac arrest. Bago pumanaw ang anak, pinuntahan ng ginang ang eskwelahan ng anak na San Jose South Elementary School. Doon ay nalaman niya ang karahasang sinapit ng anak. Kuwento ng ilang kaklase ni John Joseph, may mga nakaalitang ibang mag-aaral ang biktima na nambully at bumugbog sa biktima. Hinanakit ni Gng. Bruca, bakit walang guro o empleyado ng paaralan na nakapigil sa ginawang pananakit sa kanyang anak. Dahil dito, umiiyak na nanawagan ng hustiya ang ina sa maagang pagkamatay ng anak. Ayon sa ulat, tumanggi ang pamunuan ng paaralan na magbigay ng pahayag sa nangyaring insidente pero nagsasagawa na umano sila ng imbestigasyon. Maging ang Department of Education (DepEd-CamSur) ay bumuo na ng lupon na tututok sa isinasagawang imbestigasyon sa nangyari kay John Joseph. May hiwalay ding imbestigasyon na ginagawa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD). -- FRJimenez, GMA News