Ari ni mister, pinutol ni misis sa Pasay; selos, pinaniniwalaang dahilan
Isang lalaki ang duguang isinugod sa ospital matapos umanong putulin ng misis nito ang kanyang ari habang mahimbing na natutulog dahil na rin sa kalasingan sa Pasay City.
Sa ulat ni Steve Dailisan sa GMA News TV's Balitanghali nitong Martes, sinabing magkasamang nag-check-in ang mag-asawa sa isang lodge. Madaling-araw umano nang makarinig ng kaguluhan sa kuwarto ang mga room boy.
Hindi nagtagal ay nakita na umanong tumatakbo palabas ang babae, at kasunod nito ang duguang lalaki.
Paniwala ng pulisya, selos ang dahilan kaya pinutol ng babae ang ari ng lalaki. Posibleng isinagawa umano ang pagputol sa ari ng lalaki nang nakatulog ito dahil na rin sa kalasingan.
Hindi na nakita ang babae at ang pinutol na bahagi sa lalaki na maaari umanong na-flush sa inidoro, ayon sa pulis.
Mahaharap ang babae sa kasong serious physical injury. Habang kasong negligence at obstruction of justice naman ang maaaring ipataw sa may-ari ng lodge dahil nilinis nila kaagad ang kuwarto kung saan nangyari ang insidente.
Ligtas na sa kapahamakan ang lalaki. -- FRJimenez, GMA News