Ilang mambabatas, biktima rin sa 'pork barrel' scam -- De Lima
Hindi lahat ng mga mambabatas na iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano'y P10 bilyong pork barrel scam ay kakasuhan, ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima. Ang paglilinaw ay ginawa ng kalihim nang dumalo sa budget hearing sa Kamara de Representantes nitong Miyerkules. Sa naturang pagdinig, ilang mambabatas ang humiling kay de Lima na pangalanan ang mga mambabatas na kakasuhan dahil sa umano'y paglulustay sa nabanggit na pondo na kilala rin sa tawag na Priority Development Assistance Funds (PDAF). Bukod sa PDAF kung saan nasasangkot ang pangalan ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles, iniimbestigahan din ng NBI ang umano'y anomalya sa paggamit ng Malampaya funds. “Meron hong mga nakinabang and therefore kakasuhan, at meron din pong naging biktima lang so siyempre hindi po namin kakasuhan,” paliwanag ni de Lima sa mga mambabatas na dumalo sa pagdinig ng P10.6 bilyong pondo na hinihingi ng DOJ sa 2014. Nitong Martes, kinumpirma ni De Lima na ilang kongresista at senador ang maaaring kasuhan sa Office of the Ombudsman dahil sa pagkakasangkot nila sa anomalya. Pero sa kabila ng mga kahilingan ng ilang mambabatas na tukuyin ni de Lima ang mga kakasuhan, nanindigan ang kalihim na isisiwalat lang niya ang mga ito kapag natapos na ang imbestigasyon ng NBI. “Sorry po hindi pa pwedeng pangalanan dahil nasa proseso pa kami ng pagdo-double check at pagre-review,” paliwanag niya. “So on going po iyan and until and unless na matapos po namin iyong listahan namin na pwede na pong makasuhan ay hindi po namin pwedeng pangalanan.” Idinagdag ni De Lima na hindi magiging patas kung magbabanggit siya ng iilang pangalan lamang. “Kasi kung magbibigay po kami ng listahan ngayon , magsasabi kami ng mga pangalan ngayon , malamang hindi pa po iyon kumpleto. At hindi naman po fair na meron na kaming papangalanan pero meron pa palang kasamang iba,” dagdag niya. Sakabila nito, sinabi ni De Lima na nabisto na ng NBI ang taktikang ginamit ng nasa likod ng anomalya.-- RP/FRJ, GMA News