Bangkay na natagpuang walang ulo at binti, isang call center agent
Kinilala na ang bangkay ng lalaki na natagpuang walang ulo at mga binti na isinilid sa isang balikbayan box sa Sampaloc, Manila nitong Miyerkules. Napag-alaman na call center agent ang 32-anyos na biktima na nagpaalam lang sa kanyang misis na makikipagkita sa kaibigan nitong Martes ng gabi pero hindi nakauwi. Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA news 24 Oras nitong Miyerkules ng gabi, kinilala sa punerarya ng kanyang misis at biyenan ang biktima na si Mark Abesamis, 32-anyos, at isang call center agent. Hindi makapaniwala ang misis at biyenan ng biktima sa sinapit na karumal-dumal na pagkamatay nito. Anila, Martes ng gabi nang nagpaalam sa kanila si Mark na magpapadala lang ng package sa kanyang ina na nasa Amerika at may kakausapin na kaibigan tungkol sa negosyo. Pero nang hindi na ito umuwi, nagpasya na silang hanapin ang biktima. Ayon kay Thea Abesamis, misis ni Mark, hindi pa nakikita ang ulo at mga binti ng asawa. Umiiyak na inilarawan niya na mabait ang asawa. Sinabi naman ng biyenan nito na wala siyang alam na kaaway ang biktima para sapitin ang brutal na kamatayan. Umaga nitong Miyerkules nang makita ang isang balikbayan box sa gilid ng kalsada ng Matimyas St., na malapit sa Maceda sa Sampaloc. Nang buksan ang kahon, nakita ang bangkay ng lalaki na walang ulo at mga binti. Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nawawala ang itim na 2010 Toyota Altis ng biktima na may plakang LQI-611 at iba pa nitong gamit. Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa kaso. - FRJimenez, GMA News