Labor official, ipako-contempt kung mapatunayang nagsinungaling
Nagbanta si Sen. Jinggoy Estrada na iko-contempt ang labor official sa Riyadh kung mapatutunayang nagsisinungaling ito sa kaniyang mga pahayag laban sa mga testimonya ng overseas Filipino workers na biktima ng panghahalay sa Saudi Arabia.
Sa ikalawang pagdinig ng Senate blue ribbon committee sa isyu ng "sex-for-flight" scheme, inilahad ng tatlong OFWs (alyas Angel, Annaliza at Michelle na kapwa may mga takip sa mukha) ang pambabastos sa kanila ni Assistant Labor Attache Antonio Villafuerte, mismong akusado.
Tahasang sinabi ni Angel na nagsimulang bastusin siya ni Villafuerte nang sunduin siya nito matapos ang kanyang pagtakas sa amo na nanggahasa sa kaniya.
Umiiyak na sinabi nito ang paraan ng pagtatanong sa kaniya ng opisyal: “Saan ka ba tinira, sa harap o sa likod, malaki ba ang ari ng amo mo? Masarap ba makikipagtalik sa amo mo?”
Agad naman itong itinanggi ni Villafuerte at sa halip ay tinulungan umano niya ang kababayan.
Lantaran naman na isiniwalat ni alyas Michelle ang kanyang mga kwento laban kay Villafuerte, kung saan binuksan pa ang kanyang nakatakip na mukha sa pagdinig ng committee upang kumprontahin ang inirereklamong opisyal.
Umiiyak din na inilahad ni Michelle ang pambabastos ni Villafuerte, nang humingi siya ng tulong na magpabili ng underwear matapos na tumakas din sa kanyang amo.
Aniya, nanliit siya nang matanggap ang text messages ng labor official na ganito: “O, andyan na ang salungsong at salungki mo ha.”
Tila nabastos siya sa nasabing mensahe.
“Hindi po totoo yun,” sagot ni Villafuerte.
Sa kalagitanaan ng kaniyang paglahahad, biglang inalis ni Michelle ang hijab na nakatakip sa mukha at inilantad ang mukha sa pagdinig.
““Ngayon Mr. Villafuerte, naaalala mo po ba ako? Naaalala mo pa ba yung ginawa nyo sa akin… huwag po kayong magsinungaling,” diin ng OFW.
Tila bingi ang labor official sa litaniya ng complainants na itinatanggi ng opisyal.
Tanong ni Estrada kay Villafuerte kung ano ang maaring motibo ng mga OFWs para idiin siya sa isyu.
Parang napipi naman ang opisyal at hindi nasagot ang tanong ng senador.
Ipinag-utos na rin ng komite na ipahanap at iharap sa Senado si "Jojo," ang driver ni Labor Attache Adam Musa na umano'y nanghalay kay Josie, isa pang OFW na humarap sa unang pagdinig sa Senado.
Sa susunod na Huwebes isasagawa ang ikatlong pagdinig sa isyu at ipatatawag pa ang karagdagang testigo. — Linda Bohol /LBG, GMA News