ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Presidente ng paaralan sa Laoag City na nagpatalsik ng 3 mag-aaral, humingi ng paumanhin


Humingi umano ng paumanhin ang presidente ng paaralan sa Laoag City, Ilocos Norte na nagpatalsik ng tatlo nilang estudyante dahil sa paglabag sa kanilang "English only policy" nang magsalita ang mga ito ng Ilocano. Sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes, sinabing nakasaad sa sulat ni Pastor Brian Shah, presidente ng Saviour’s Christian Academy, ang paghingi ng paumanhin sa mga magulang ng tatlong estudyante. Kasabay ng paglilinaw na wala siyang masamang intensiyon sa nangyari, handa rin daw pamunuan ng paaralan na repasuhin ang kanilang patakaran sa eskwelahan o handbook. Naunang binawi ng paaralan ang kanilang parusa sa tatlong estudyante at hinimok ang mga ito na pumasok na. Gayunman, dahil sa trauma na sinapit umano ng mga bata ay nagdesisyon na lamang ang mga magulang nila na ilipat na sila sa ibang eskwelahan. Kasunod ng nangyaring insidente, isang online petition ang inilunsad na humihiling na mapaalis sa Pilipinas ang presidente ng paaralan na sinasabing isa umanong Singaporean. -- FRJ, GMA News

Tags: ilocos,