Buhayin ang 'Filipinas'
Mahalaga sa pagbuo ng ating bansa ang pagpalit ng "p" sa Pilipinas tungo sa "f" upang maging Filipinas, kaya hindi nakatutuwa ang mga biro at mga pabalang na komento hinggil sa isyung ito.
Sumasang-ayon ako sa sanaysay ni Virgilio Almario na "Patayin ang 'Pilipinas'." Hindi ko na uulitin pa rito ang mga inilatag na dahilan ni Almario. Matagal nang nalathala ito sa kaniyang librong "Filipino ng mga Filipino," noong 1994 pa. Nabasa ko ito noong nasa kolehiyo pa lamang ako sa Lungsod Iloilo, kung kaya nang magsimula akong magsulat sa Filipino ay Filipinas na talaga ang ginagamit ko.
Kaya may pagtataka ako at saya kung bakit biglang naging kontrobersiyal ang panukalang ito ni Almario. Pagtataka, dahil bakit ngayon lang? Matagal na itong ginagawa sa mga publikasyon ng Sentro ng Wikang Filipino ng U.P. Diliman, at sa maraming mga libro at jornal ng Ateneo de Manila University at De La Salle University-Manila. Kasiyahan, dahil biglang naging bida ang wikang Filipino sa masmidya at Internet.
Maka-Filipinas o maka-Pilipinas ka man kasi ay sigurado akong maka-Filipino ka, sa wika at kultura. Kaya masaya ako na si Almario ang namumuno ngayon sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF). Siguro, naging kontrobersiyal lamang itong panukala ni Almario dahil pinagtibay ito sa isang resolusyon ng KWF na nilagdaan nitong Abril 2013.
Maganda at pinagtatalunan natin ito sa ngayon. Pero sana, pagdebatihan natin ito nang mas mahinahon upang mas makapag-isip tayo. Hindi tayo ang magkalaban. Mas kalaban natin halimbawa ang kolonyal na pag-iisip, at ang pananaig ng Ingles sa akademya at pamahalaan kahit na mas kakaunti naman ang may kakayahang gamitin ito. Filipinas man o Pilipinas ang gamit mo, magkababayan pa rin tayo at dapat maging magkakampi sa pagbuo ng ating bansa.
Diyaryong Filipino
Nang maging editor ako ng lingguhang diyaryong Bandillo ng Palawan sa Lungsod Puerto Prinsesa noong 1998, tiniyak ko na maging totoong "Edisyong Filipino" ito. Filipinas na ang ginamit namin sapagkat gusto naming ipagdiinan na hindi Tagalog ang aming diyaryo kundi Filipino.
Ang Puerto Princesa ay isang multikultural na lipunan. Nagmula sa iba't ibang panig ng bansa ang nakatira dito. Bukod sa mga Cuyunon at mga katutubong Pala'wan at Tagbanwa, maraming mga migranteng taga-Panay at taga-Mindanao rito. Marami ring Sebwano at may mga Ilokano pa. Dagdag pa rito ang mga expat na galing sa Europa at Amerika.
Upang magkaintindihan sa palengke, nadevelop ang isang uri ng Filipino sa lungsod. Halimbawa, imbes na gumamit ng panlaping "um" na Tagalog, panlaping "nag" na mas Bisaya ang ginagamit kaya ang "kumain at kumakain" ay nagiging "nagkain at nagakain."
Mahilig din ang mga taga-Puerto Princesa na magdagdag ng "daw/raw" sa mga pangungusap. Noong bago pa lamang ako roon, may isang bagong kaibigan akong nag-imbita sa akin na pumunta sa kanilang bahay. "Punta ka daw dito sa bahay," sabi niya. Tanong ko naman, "Sino nagsabi?" "Punta ka nga daw dito sa bahay!" ulit niya na parang namimilit. Di kalaunan, nadiskubre ko rin na pandagdag lang pala ang "daw."
Sa Bandillo, hindi namin ginagamit ang lokal na panlaping “nag.” Siguro, dahil ang pinag-aralan kong Filipino sa Antique at Iloilo ay mas Tagalog pa talaga, mas kumportable ang tenga ko sa panlaping "um."
Makabayan na pangalan
Sang-ayon ako sa mga nagsasabing hindi makabayan ang paggamit ng Filipinas, dahil pangalan pa rin itong bigay ng mga Kastila. Kung gayon, wala rin itong pagkakaiba kung Pilipinas ang gamitin, o kaya ay Philippines na salin ng mga Amerikano.
Mayroong alternatibo. Minsan nang may nagpanukala na gawing "Maharlika" ang pangalan ng ating bansa. Hindi ako tutol sa panukalang ito, subalit ibang usapin ito sapagkat kailangang gawin itong batas ng Kongreso at dapat aprubahan sa isang plebisito. Bukod dito, kailangan pa sigurong manaliksik dahil baka mas may angkop na salita o pangalan na dapat gamitin kung isaalang-alang na mahigit isandaan ang mga wika sa ating arkipelago. Sigurado akong magiging madugo ito.
F sa katutubong wika
Pero ang pinagdedebatehan ngayon ay kung nararapat bang maging "f" ang "p" sa pangalan ng ating bansa. Heto ang opinyon ko: Bukod sa mayroon nang "f" sa alpabetong Filipino, dapat nating mabatid na ang letrang ito ay hindi lamang hiniram sa Kastila o Ingles.
Makikita ang "f" sa maraming wikang katutubo tulad ng Ibaloy sa hilagang Luzon at Teduray sa Mindanao. Halimbawa, ang lumang pangalan ng Lungsod Baguio ay Kafagway. Ang mga Teduray ay may konsepto ng transgender – "mentefuwaley libun" para sa "lalaking naging babae" at "mentefuwaley lagey" para sa "babaeng naging lalaki." Para sa mga Teduray kasi, kung lalaki kang ipinanganak at gusto mong maging babae, walang problema. Magdamit at magkilos babae ka lang at babae ka na. Gayundin ang ipinanganak na babae na gustong maging lalaki.
Maaari din nating isama ang sociolect na Bekimon dahil namumutakti din ito sa "f." Sa mga bading na nag-uusap, nagiging "kafatid" and "kapatid." Puwede namang maging "Finoy" ang "Pinoy" kung nagbebekimon ka. Fasok ito sa istruktura ng nasaving wikatsenes. Korak di vah?
May mga grupong nagsasabi na taliwas sa ating Konstitusyon ang resolusyon ng KWF na nagsasabing Filipinas ang dapat na ispeling ng pangalan ng ating bansa. Hindi ako sang-ayon dito sapagkat ang totoo niyan, ang "f" sa Filipinas ay nagpapatupad sa isinasaad ng Konstitusyon na dapat payamanin ang pambansang wika sa tulong ng mga katutubong wika. Mas angkop ang baybay na Filipinas dahil hindi lamang ito Tagalog kundi Filipino na, at sa gayon ay nakakabawas sa pang-i-itsapuwera.
Tagalog o Filipino?
Hindi Tagalog ang buong Filipinas. Kahit paulit-ulit nating ipagtanggol at ipaliwanag na ang tinutukoy ni Andres Bonifacio sa "Katagalugan" ay ang buong arkipelago, Tagalog pa rin ang salitang-ugat nito. Hindi kasama rito ang Ilokos, Bikol, Waray, Badyao, at marami pang iba. Hindi ko talaga maimadyin na akong taga-Antique ay bahagi ng Katagalugan dahil Kinaray-a ang inang-wika ko at Karay-a ang aking katutubong kultura.
Sa ngayon, dahil napakainit pa ng bangayan, kung ako ang tatanungin, kaniya-kaniya muna tayo ng ispeling. Filipinas o Pilipinas, bahala ka. Hindi naman tayo ang magdedesisyon tungkol dito. Pagdedesisyunan ito ng bayan at ng panahon.
Sabi nga ng guro ko sa lingguwistika, "You cannot legislate language." Hindi maaaring madala sa paligal-ligal o pangsa-cyberbully ang pagpapatupad sa wika. Tingnan natin mga limampung taon o isang siglo mula ngayon kung ano ang gagamitin ng karamihan. Basta ako, Filipinas ang ginagamit ko dahil bilang isang Bisaya, mas demokratiko at representatibo ang dating nito.
Assistant Professor ng literatura, pagsulat, at wikang Filipino si J. I. E. Teodoro sa Kolehiyo ng Miriam, Lungsod Quezon. Ang kalipunan ng kaniyang mga sanaysay na "Pagmumuni-muni at Pagtatalak ng Sirenang Nagpapanggap na Prinsesa" ay nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Ang mga pananaw sa artikulong ito ay tanging sa may-akda lamang.