ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kontrobersyal na paggastos ng pork barrel, ipinabusisi ng senador sa COA


Sinulatan ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano ang Commission on Audit na busisiin na rin ang kontrobersyal na paggastos ng Priority Development Assistance Fund, o pork barrel ng mga mambabatas noong 2010 hanggang 2013.
 
Kabilang na  rin aniya ang kaniyang PDAF dahil boluntaryo niyang isusumite ang mga dokumento.
 
Naniniwala ang senador na karapatan ng bawat Filipino na mabatid kung paano ginugugol ang pera ng bayan.
 
Kasabay nito, nais din ni Cayetano na magkaroon ng isang hiwalay na imbestigasyon sa umano'y P10-bilyong "pork barrel scam" sa pamumuno ng isang special independent investigator (SII).
 
Si dating Sen. Panfilo "Ping" Lacson ang napipisil na mamuno sa pagdinig dahil hindi nito ni minsan pinag-interesan ang kaniyang PDAF mula nang umupo bilang isang senador.
 
Pabor si Sen. Juan Edgardo Angara sa panukala ni Cayetano na si Lacson ang itatalaga bilang especial investigator.
 
“It’s legally tenable. I don’t think any law or rule will be violated.  Any findings by the proposed special investigator would be recommendatory in nature given the powers of the blue ribbon committee,” ani Angara sa kaniyang statement na ipinadala sa pamamagitan ng text message.
 
Itinuturing ni Lacson ang pork barrel na "virus" ng korapsyon na dapat mamatay, base na rin sa kaniyang privilege speech noong 2003 sa Senado.
 
Mas gusto naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na si dating Sen. Joker Arroyo ang italagang special investigator dahil sa mahabang taon nitong pagiging mambabatas mula pa sa Kamara de Representantes.
 
Pormal namang hiniling ni Sen. Francis Escudero sa Senado na tuluyan nang lusawin ang PDAF sa pamamagitan ng Senate Resolution 193 na inihain ngayon.  

"The PDAF should be abolished in general," ayon sa senador.
 
Suportado din ni Angara ang tuluyang paglusaw sa ‘pork’ ng mga mambabatas sa panukalang batas na inihain ni Sen. Miriam Santiago.
 
Ito ang dahan-dahang pagbabawas sa PDAF ng mga mambabatas na sisimulan sa 2014 hanggang tuluyang mawala na sa 2016.
 
“Second is reform by which would no doubt involve drastically improving safeguards against corruption including listing of specific projects ahead of time and limiting beneficiaries to schools and government agencies,” diin ni Angara sa kaniyang text message.
 
Nagkaisa din ang nakararami sa mga senador na buwagin na lamang ang pork barrel kasunod ng deklarasyon ni PNoy na itigil muna ang pamimigay nito sa mga mambabatas.
 
Maghahain naman ng resolusyon ang majority senators na hindi muna sila tatanggap ng pondo mula sa pork barrel hangga’t walang mahigpit na panuntunan para dito.
 
Nakatakdang isalang sa pork barrel probe ng Senado sa Agosto 29, 2013, si Grace Pulido-Tan ng Commission on Audit (COA).  — Linda Bohol /LBG, GMA News