Mister, nagpakamatay matapos paslangin ang asawa na nasaksihan ng kanilang anak
Isang ginang ang nasawi matapos siyang saksakin ng kanyang sariling mister, na nagsaksak din sa sarili, at nasaksihan ng kanilang 11-anyos na anak sa Los Baños, Laguna. Sa ulat ni Police Officer 1 Rhyan Medina, officer in case ng Los Baños police, kinilala ang mga nasawi na sina Joana Oruga, empleyado ng University of the Philippines (UP) Los Baños, at mister niyang si Phillip Oruga, admin officer ng UP Police. Kuwento ng isang saksi, narinig niya na nagtatalo ang mag-asawa sa inuupahan nilang apartment sa Brgy. Bambang, Los Baños nitong Huwebes ng gabi. Nang lumbas ang saksi sa inuupahang kalapit na kuwarto at puntahan ang bahay ng mag-asawa, nakita niya ang duguang katawan ng biktima sa hagdan, gayundin ang duguang suspek na malapit sa pinto. Kinuha naman ng saksi at dinala sa kanyang bahay ang anak ng mag-asawa na siyang nagkuwento na mismong ang ama niya ang sumaksak sa kaniyang ina, at pagkaraan ay nagsaksak sa sarili. Isinugod ang mag-asawa sa ospital pero hindi na umabot ng buhay ang ginang dahil sa tinamo nitong dalawang saksak sa katawan. Binawian naman ng buhay ang lalaki habang ginagamot. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa dahilan ng away ng mag-asawa na humantong sa malagim na krimen. -- AE/FRJ, GMA News