Senador: Mga nagwaldas ng pera batay sa COA report, dapat panagutin sa batas
Hinamon ng isang bagitong solon si Pangulong Benigno Aquino na panagutin sa batas ang mga sangkot sa pagwaldas ng government funds batay sa COA Special Audit Report mula 2007 hanggang 2009.
Kasabay nito ang mungkahing pagbuo ng isang independent commission na kakalkal at maghahain ng kaso laban sa mga akusado sa pang-aabuso sa kaban ng bayan.
Ayon kay Sen. JV Ejercito, dapat na mula sa mga indibiduwal na may reputasyon na ipaglaban ang karapatan ng sambayanan, at hindi mula sa Malakanyang o Kongreso ang bubuo sa independent commission.
Pabor din ang solon sa panawagan ni PNoy na lulusawin na ang priority development assistance funds (PDAF) o "pork barrel" ng mga mambabatas, hinamon din nito ang Pangulo na alisin na rin ang kaniyang Special Purpose Funds (SPF).
“It will be beneficial for President Aquino if he shows sincerity by leading the way in effecting changes for the benefit of our nation,” ani Ejercito sa kaniyang press statement.
Sa ulat ng GMA News Online, mananatili ang ‘pork’ ni PNoy sa kabila ng panawagan na aalisin na ang PDAF ng mga mambabatas.
Nasa 23 senador na ang nagpahayag ng suporta sa pagtanggal ng PDAF.
Si Sen. Cynthia Villar na lamang ang wala pang pinal na pahayag kung pabor o hindi sa abolition.
Pero una na nitong sinabi sa isang lunch briefing kasama ang mga mamahayag noong Hulyo 2013, na magiging bukas siya kung paano gugugulin ang kaniyang PDAF.
Kasunod ito nang unang pumutok ang pork barrel scam na sangkot ang ilang mambabatas sa Kongreso.
Bilang dating kongregista, sinabi ni Villar na dapat na malinaw ang mga detalye ng bawat proyekto na paglalaanan ng pondo.
Aniya, mahigpit ang Commission on Audit kung kulang ang detalye ng proyekto. “Kapag hindi mo idinitalye, hindi nila papayagan.
Bilang bahagi ng kaniyang adbokasiya na makalikha at magbigay ng mga pagsasanay sa pangkabuhayan, malaking bahagi ng kaniyang PDAF ay napupunta umano dito.
“I don’t give money sa binibigyan ko ng projects. I give machinery and training. Iyon ang concern ko,” diin pa ng lady solon.
Ilalaan din umano niya ang pondo sa mga hospital para sa medical funds ng mga mahihirap at sa Department of Social Welfare and Development para sa calamity assistance.
Kasama din umano dito ang kaniyang Las Piñas-Zapote-River Rehab at tourism project sa Las Piñas City.
Honasan mag-i-inhibit
Sinabi naman ni Sen. Gringo Honasan, pabor din siya sa PDAF abolition pero dapat na hubaran ng maskara ang mga nasa likod ng pang-aabuso dito.
Sa nakatakdang imbestigasyon ng Senate blue ribbon Committee sa isyu ng pork barrel scam sa Agosto 29, 2013, nilinaw ni Honasan na mag-i-inhibit siya sa pagdinig.
Pero karapatan din aniya niyang malaman ang katotohanan sa likod ng kontrobersiya.
Iginiit din nito na daapt ding busisiin ng gobyerno kung paano ginugugol ng iba’t ibang ahensiya ang kanilang lump sum, unprogrammed, at intelligence funds na hindi natututukan ng COA.
Muling nadismaya ang senador sa hindi pagpasa ng kaniyang landmark legislation, ang Freedom of Information (FOI) noong 15th congress.
"If only the FOI Bill had been passed, we could have avoided the agony of serializing and trying by publicity the issue over the media. There should be an immediate passage of the bill to operationalize transparency in public affairs and to put an end to this kind of controversy," diin pa ni Honasan.
Samantala, sinabi naman ni Senate Pro Tempore Ralph Recto na sumusuporta siya sa pag-alis ng PDAF.
“However, the entire national budget should be more transparent. All projects should be by line item in the General Appropriations Act so every local government, district and community will know where the money is spent and what to expect. We should reform the entire national budget," ayon kay Recto. — Linda Bohol /LBG, GMA News