ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tatlong yate na hinihinalang pag-aari ni Napoles, nawawala umano


Nawawala umano ang tatlong yateng na hinihinalang pag-aari ng kontrobersiyal na negosyanteng si Janet Lim-Napoles, ang sinasabing nasa likod ng P10-bilyong "pork barrel" scam.   “I was informed that Mrs. Napoles has three yachts parked at the Manila Yacht Club, but according to the source wala na (ang) mga yacht niya dun,” ayon kay Siegfried Mison, officer-in-charge ng Bureau of Immigration.   Una rito, iniutos ng Makati court ang pag-aresto kay Napoles at sa kanyang kapatid na si Reynald Lim para sa kasong serious illegal detention sa umano'y whistleblower ng scam na si Benhur Luy.   Gayunpaman, sinabi ni Mison na hindi siya sigurado kung si Napoles nga ang nagmamay-ari ng sinasabing mga yate na nawawala.   “Sabi ng source, meron daw three yachts dun dati (na) ginagamit niya [Napoles], hindi lang ako sure kung sa pangalan niya or ginamit lang niya,” paliwanag pa ng opisyal.   Sa kabila nito, naniniwala pa rin si Mison na nasa bansa pa rin sina Napoles at Lim. Patuloy din umanong nakikipag-ugnayan ang ahensiya sa mga counterpart nito sa mga katabing bansa para madakip ang magkapatid.   Kabilang sa mga kinausap nila ang mga awtoridad ng Indonesia dahil sa posibilidad na gamitin nina Napoles at Lim ang tinatawag na "southern backdoor" ng bansa upang makatakas.   “We have coordinated with Indonesian immigration at the Marore Island, which is near the Philippines. We alerted them by issuing information including pictures of Janet and Reynald,” ani Mison.   “They [Napoles and Lim] can use the Balot Island which is near General Santos City, about three hours away to Indonesia and Bonggao, Tawi-Tawi, which is near Malaysia,” dagdag niya.   Ayon kay Mison, mas binibigyang pansin nila ang katimugang bahagi ng bansa dahil mahirap umanong maglakbay ang isang barko sa hilagang bahagi bunga ng kalagayan ng panahon ngayon. -- Mandy Fernandez/FRJ, GMA News