Poste sa P7.8-M flagpole project sa Luneta na pagkakabitan ng bandila ng Pilipinas, manggagaling sa China
Manggagaling sa China ang poste na pagkakabitan ng bandila ng Pilipinas na kasama sa itatayong bagong flagpole na gagastusan ng P7.8 milyon na bahagi ng pagpapaganda ng Luneta. Nitong Martes, naging paksa sa social media partikular sa Facebook ang larawan na nagsasaad ng detalye sa pagpapagawa ng bagong flagpole sa Luneta na popondohan ng P7.8 milyon. Puna ng ilang nagkomento, lubhang malaki ang pondo para sa pagpapagawa ng bagong pagkakabitan ng watawat ng bansa. Nitong Lunes, idinaos sa Luneta ang protesta laban sa umano'y pang-aabuso ng mga mambabatas sa Priority Development Assistance Fund (PDAF). Sa panayam sa telepono ng GMA News Onlines, kinumpirma ni Kenneth Montegrande, tagapagsalita ng National Parks and Development Committee, ang naturang halaga na inilaan sa pagpapagawa ng bagong flagpole. Ngunit paliwanag ni Montegrande, kasama sa gastusin ang pundasyon nito at iba pang construction details sa paglalagyan ng bagong 150 feet flagpole, mas mataas sa kasalukuyang 105 feet na flagpole. “Misleading sa mga kababayan natin na sabihin na flagpole itself lang yung gagawin. Kasama rin yun mismong base. The whole structure ay kailangan nang baguhin,” pahayag ni Montegrande. Taong 2011 pa umano iminungkahi ang proyekto at dumaan na sa dalawang public bidding. Tatawagin umano ang bagong flagpole na National Flagpole of the Philippines, na magiging bahagi ng centennial anniversary ng Jose Rizal Monument sa darating na December 30. Dagdag pa ni Montegrande, ang bagong flagpole ay manggagaling sa China, na siyang pinagkukunan at pinanggagalingan ng mga matataas na posteng bakal. Basahin: China's new '10-dash line map' eats into Philippine territory Ang pagpapalit ng flagpole ay nakapaloob sa master plan para sa “beautification of Rizal Park.” Kasama rin umano dito ang pagpapatayo ng Senior Citizen Garden, pagsasaayos ng pedestrian sa paligid ng children’s playground, restoration ng open-air auditorium at pagsasaayos ng Noli Me Tangere Garden. “Ginagawa namin ang mga proyektong ito upang ibalik ang Rizal Park sa grandeur and glory nito,” ayon kay Montegrande. — FRJ, GMA News