'Nando,' nagdulot ng landslide sa Baguio City, ayon sa NDRRMC
Kabilang ang Benguet at Baguio City sa mga lugar na matinding hinagupit ng bagyong "Nando," na inaasahang lalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Huwebes ng umaga. Sa ipinalabas na ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Miyerkules ng gabi, sinabing nagdulot ng mga pagguho ng lupa sa Baguio City si "Nando," at nagtulak din para ilikas ang may 20 pamilya sa Tublay, Benguet. Naganap umano ang pagguho ng lupa sa Camp 8 sa Bontoc Village sa Baguio City nitong Miyerkules ng umaga. Wala namang iniulat na nasaktan at bahay na nasira sa nabanggit na insidente. Bilang bahagi ng pag-iingat, pinayuhan ng Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga residente malapit sa lugar na lagyan ng tarpaulin sheets ang gumuhong bahagi ng lupa. Samantala, 20 pamilya naman sa Sitio Mamuyod sa Barangay Ambassador sa bayan ng Tublay ang inilikas sa kanilang mga bahay bilang pag-iingat. Dakong 8:00 a.m., nang buksan naman ang Gate 3 at 4 ng Binga Reservoir para magpakawala ng tubig. Sa tala ng NDRRMC, isa ang nasawi sa hagupit ni "Nando," at 570 pamilya ang naapektuhan. -- FRJ, GMA News