Napoles ‘di pwedeng maging state witness — abugado
Hindi kwalipikadong maging state witness si Janet Lim-Napoles sa isyu ng P10-billion pork barrel scam, ayon sa isang abugado.
“Sa batas natin, para maging ganap na state witness, one should not be the most guilty [party]. Lumalabas sa ebidensiya natin na isa siya sa most guilty,” ayon kay ni Atty. Levito Baligod, sa panayam ng GMA News TV dakong alas 12: 21 Huwebes ng umaga.
Ito'y matapos ihatid ang akusado sa Camp Crame kasunod ng kanyang pagsuko kay Pangulong Benigno Aquino Miyerkules ng gabi.
Si Baligod ang abugado ng pangunahing whistleblower na si Benhur Luy sa umano'y P10-bilyong katiwalian sa paggamit ng Priority Development Assistance Fund ng mga mambabatas.
Si Napoles and itinuturong utak ng anomalya sa PDAF, at inakusahan ng "serious illegal detention" dahil sa umao'y pagkukot at pagdetene kay Luy sa loob ng tatlong buwan.
Dagdag pani Baligod, mabibigyang linaw na rin, sa pamamagitan ng mga papahayag ng ilan pa sa mga whistleblower na pawang mga empleyado ni Napoles, na personal itong nakinabang sa "pork barrel" ng mga mambabatas gamit ang mga bogus na non-government Organizations.
“Ang pagsuko niya kasi, nakikita ko na wala na siyang mahihingian ng tulong. Marami na rin sa mga empleyado niya ang bumaliktad at willing na tumestigo laban sa kaniya,” ayon kay Baligod.
Sinabi naman ni Interior Secretary Mar Roxas na mismong kay Pangulong Aquino sumuko dahil mas nakatitiyak umano si Napoles sa kanyang kaligtasan.
Sumuko si Napoles, kasama ang kanyang asawa, ilang oras matapos ihayag ni Aquino ang P10-milyong pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan nito.
Binawi na ang pabuya dahil sa kusang pagsuko ni Napoles at ibinalik na rin sa korte ang arrest warrant laban sa kanya, ayon kay Roxas. — Linda Bohol /LBG, GMA News