ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bangkay ng sexy actress na si Claudia Zobel, nadiskubreng 'di naagnas sa Cebu


Pagkaraan ng halos 30 taon mula nang masawi sa isang car accident, natuklasan nitong Miyerkules na hindi pa rin lubos na naaagnas ang mga labi ng 1980's sexy star na Claudia Zobel na inilibing sa kanyang lalawigan sa Cebu. Sa ulat ng "Chika Minute" ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabing ipinahukay ng pamilya ni Zobel (Nee Thelma Maloloy-On sa tunay na buhay), ang pinaglibingan ng aktres para doon naman ilibing ang pumanaw niyang ama. Pero laking gulat ng mga kaanak ng aktres nang makita nila na hindi pa nagiging bungo at kalansay ang mga labi nito. Tubong sa Cebu si Claudia na nakipagsapalaran sa Maynila at pinalad na makapasok sa industriya ng showbiz. Isa siya sa mga pinakasikat na sexy star noong 1980's at kabilang sa mga nagawa niyang pelikula ay Shame, Uhaw Sa Pag-ibig, Bayan Ko, Kapit sa Patalim at Sinner Or Saint." Ngunit madaling natapos ang kasikatan ng aktres nang masawi siya sa isang car accident sa Makati noong 1984 sa murang edad na 18. -- FRJ, GMA News