ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Libangang umani ng karangalan sa Wikang Filipino
By AMANDA FERNANDEZ, GMA News
Nagsimula ang lahat sa isang kakaibang libangan – ang pagsasalin ng mga salitang Ingles sa Filipino.
Ngunit hindi inaasahang ang pangpalipas-oras na sinimulan noong 1989 ng dating sundalong si Luciano Gaboy ay aani pala ng Gawad Dangal ng Wikang Filipino na ibinigay sa kanya noong 2009.
Si Gaboy ang lumikha sa isa sa pinakasikat na Ingles-Filipino online diksiyonaryo na mayroong halos 60,000 na mga salita – ito ang Gabby Dictionary (www.gabbydictionary.com).

Luciano Gaboy. Photo by Amanda Fernandez
Libangan lamang umano niya ang pagsasalin sa wikang Filipino ang mga Ingles na salitang na sa "American Heritage Dictionary of the English Language."
"Pagdating ng gabi, wala na akong magawa, at hindi rin ako makauwi araw-araw sa Bulacan dahil sa gastos sa gasolina, sobrang trapik sa EDSA at kakulangan sa oras," aniya.
"Nakita ko ang kopya ng American Heritage Dictionary at ginawa kong libangan ang pagsasalin tuwing gabi," dagdag niya. "Sa iba kong mga destino, itinuloy ko pa rin ang pagsusulat kapag libre sa oras."
Ayon sa kanya, matapos ang siyam na taon, naisip niyang i-print ang mga naipon na niyang mga salita. Matapos muli ang siyam na taon, naisipan niyang ilagay ito online.
Sa tulong ng kanyang anak, nai-upload niya ang online na diksiyonaryo noong 2002, aniya. Ito marahil ang kauna-unang diksiyonaryong nagsasalin ng mga Ingles na salita sa Filipino.
"Dahil computerized ang database ng dictionary ko (Gabby’s Practical English-Filipino Dictionary), naisipan ng aking anak, Mariner, na magpagawa ng search engine sa kanyang mga kabarkada sa UP, Pagkatapos, inilagay namin ang dictionary sa website, sa www.gabbydictionary.com," aniya.
"Ang interactive website noon ay napakasimple ng disenyo at may nagkomento na “this website deserves a better design than this," kwento niya.
At dahil dito, noong 2010, nagkaroon ng kauna-unang layout revision ang kanyang site, sa tulong ng isa pa niyang anak, si Jupiter Mars.
Kritisismo at tagumpay
Kwento ni Gaboy, bilang isa sa kauna-unahang online na diksiyonaryo na mayroong malawak na laman, marami siyang natatanggap na magagandang feedback.
"Magaganda ang feedback, mula sa 'the best online dictionary' hanggang sa 'Filipino geeking out' at 'most brazen and yet the most authoritative ...,' 'napakalaking tulong sa pag-aaral.' Ang lahat ng komento ay mababasa sa Google, at sa Facebook ng gabbydictionary.com," aniya.
Gayunpaman, hindi maiiwasan ang mga kritisismo.
"Ayon kay G. Isagani Cruz, isang tanyag na manunulat at kolumnista sa dyaryo, ang aking dictionary ay 'nagpapanggap lamang na English-Filipino Dictionary,' dahil kung tutuusin, ito ay parang English-Tagalog Dictionary lamang," aniya.
Ayon kay Gaboy, naging positibong hamon niya ito upang mas pagandahin ang nilalaman ng kanyang database.
Dahil sa kanyang pagsisikap na magkaroon ng mas magandang rebisyon nito, kinilala siya ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) noong 2009.
"Bigyan nila ako ng Gawad Dangal ng Wikang Filipino noong Agosto 2009 kaugnay sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika," aniya.
"Ang nakatutuwa dito, kasama ko si G. Isagani Cruz na pinarangalan ng KWF noong 2009," aniya.
Benepisyo ng online diksiyonaryo
Kwento ni Gaboy, malaking benepisyo ang pagiging online ng kanyang diksiyonaryo sapagkat maaari niya itong baguhin anumang oras.
“Madali pong baguhin dahil computerized ang database, at “find and replace” lang ito sa Windows Word,” aniya.
Dagdag niya, dahil nasa online ang kanyang diksiyonaryo, marami at malayo na ang narating nito—pati ang mga Pilipino at dayuhang wala sa Pilipinas. Sa ganitong paraan, aniya, napalalaganap ang wikang Filipino hindi lamang sa bansa, kundi pati na rin sa ibang mga dayuhang lugar.
Sang-ayon naman sa sinabi ni Gaboy si John Torralba, Palanca awardee at propesor ng Filipino department ng De La Salle University at Miriam College.
Ayon sa kanya, ang paggamit ng wikang Filipino sa mga online post ay makatutulong sa pagpapalaganap nito.
“Malawak ang saklaw ng internet. Ibig sabihin, marami ang naabot nito o marami ang gumagamit nito. Kung gagamitin ang wikang Filipino (ng mga Pilipino) sa internet, halimbawa, blogs, status updates, content ng website, siguradong lalaganap ito,” aniya.
Gayunpaman, hindi lamang dapat pasikatin ang wikang Filipino, dapat ding “maayos" ang paggamit nito.
“Halimbawa, sikat ngayon ang salitang 'kaganapan' sa mga blogs at news online. May ganito talagang salita ngunit mali ang pagkakagamit,” aniya.
Giit naman ni Gaboy, kasalukuyan na niyang binabago ang ilang mga salita sa kanyang diksiyonaryo base sa pinakahuling gabay sa ortograpiyang inilabas ng KWF, kaya makasisigurong maayos ang mga ito.
“Kamakailan ay pinadalo ako ng KWF sa Symposium sa Ortograpiya ng Wikang Filipino na idinaos sa UP upang talakayin ang mga pagbabago sa ortograpiya,” aniya. — LBG, GMA News
More Videos
Most Popular